Una sa Balita

POEA-OWWA umaksyon sa namatay na OFW dahil sa pagmamaltrato

By
0 17

Tutugunan ng Philip­pine Overseas Employment Administration (POEA) at Overseas Welfare Workers Admi­nistration (OWWA) ang paghingi ng tulong ng kaanak ng isang Pinay domestic helper (DH) na namatay matapos makaranas ng pagmamaltrato ng kanyang employer hanggang sa nagkasakit sa bansang Jordan.

Ito’y matapos na hindi makamit ang hustisya sa pagkamatay ni Jennifer Ibarra na nasawi noong nakaraang buwan.

Ayon kay Atty. Geral­dine Mendez, officer-in-charge ng Prosecution Division ng POEA, aalamin nila kung kaninong mga ahensya dumulog ang pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na nasawi dahil sinasabing maraming na siyang nilapitan na ahensya ng gobyerno subalit walang naging aksyon na ginagawa hanggang sa mailibing na si Ibarra.

“Aalamin din po namin kung sino ang recruitment agency niya dito sa ‘Pinas dahil sa policy dito, ‘Deploy mo, Sagot mo’. Kung may mga reports nga na ang worker na ito ay nag-apply sa ibang agency pero na-deploy ng ibang agency, may pananagutan definitely yung agency na ‘yun,” pahayag ni Mendez

Ayon kay Helen Gorre, nasa hustong gulang tubong Tacloban, patuloy na humihingi sila ng tulong sa gobyerno na makamit ang hustisya sa pagkamatay ni Ibarra.

Todo hinagpis at dismaya ang nararamdaman ngayon ni Gorre nang mamatay ang pinsang si Jennifer na nagtrabaho sa Jordan noong isang taon.

Aniya, naglaho ang lahat ng pangarap ng kanyang pinsan para sa pamil­ya nito dahil sa pananakit ng kanyang amo.

“Bago po namatay siya ay tinatanong po naming siya kung bakit, sinasaktan ba sya, tinali ka ba at sabay na umiiyak na lamang po siya,” pahayag pa ni Helen.

Sinabi pa sa kanya ng OFW bago ito nasawi na tinulungan siya at ipinagamot ng anak ng amo.

At makalipas ang isang taon, nakauwi ng Pilipinas si Jennifer ngunit halos hindi na siya makilala dahil sa bumagsak ang katawan nito sanhi ng pagkakasakit nito sa Jordan.

“Sobrang payat. Buto’t balat. Yung buhok mabibilang mo na lang dahil nalalagas na ito,” dagdag pa ni Helen.

Ngunit dalawang linggo matapos umuwi si Jennifer ay binawian siya ng buhay.

Kaya’t hustisya ang sigaw ng kanyang mga naulila at hinihiling nila sa gobyerno na imbestigahan ang pagkamatay ni Jennifer dahil sa nakaranas ng matinding pagmamaltrato.

Sinubukan naman ng POEA na tawagan ang recruitment agency ni Ibarra na Businesswise International Resources Inc. dito sa Pilipinas na nakalagay sa kontrata ngunit itinanggi nila na sila ang naglapalipad sa nasabing DH.

“Posibleng ibang ahensya ang biglang humawak kay Jennifer bago makalipad ito,” dagdag pa ng opisyal.

Bukod pa dito, iimbestigahan din ng POEA ang foreign recruitment ni Ibarra na Lareen Company /Lareen for Recruiting Domestic, Workers Company na siya ang nagdala sa employer nito.