Una sa Balita

POEA nagbabala sa bawal na pag-ibig sa UAE

By
0 408

Nagbabala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga Pilipinong manggagawa sa United Arab Emirates (UAE) na maituturing na krimen ang pakikipagtalik nang hindi pa kasal.

Sa abisong inilabas ng POEA, ang mga babae at lalaki na magkarelasyon at nagpaplanong manirahan ng magkasama o mag-live-in ay dapat na magpakasal muna bago maaaring tumira sa nasabing bansa bilang mag-asawa.

Sinasabing bilang isang bansang Muslim na sakop ng Sharia Law, itinatakda ng UAE na ang pagsasama ng magkasintahang hindi pa kasal ay ilegal at pinapatawan ng parusang tatlo hanggang anim na buwang pagkakakulong at posibilidad ng deportasyon.

Nabatid na iniulat ng Philippine Consulate sa Dubai na mayroong ilang mga dayuhang magkasintahan, kabilang ang mga Pilipino, ang nakakulong ngayon dahil sa paglabag sa nasabing batas.

Idinagdag pa ng konsulado na nakatanggap ito ng ilang kahilingan para sa repatriation ng mga Pilipino sa Dubai at Hilagang Emirates na may mga anak ngunit hindi kasal.

Umaasa ang konsulado na maaaring maiendorso ang kanilang kaso sa Dubai Immigration nang hindi nakukulong, subalit hindi naidadaan sa negosasyon ang isyu ng imoralidad sa ilalim ng UAE penal system.

Mahigpit na ipinagbabawal sa nasabing bansa ang pagbubuntis at panganganak nang hindi kasal kung saan may kaakibat itong parusa ng hanggang anim na buwang pagkakakulong, deportasyon, at panghabangbuhay na ban.

Tutulong ang DFA sa mga overseas Filipinos na nagkakaroon ng kaso upang mayroong panggastos sa korte. 

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More