Una sa Balita

Poe kay Duque: Magpaliwanag ka sa overpriced PPE

0 644

Kinuwestiyon ni Senador Grace Poe ang Department of Health (DOH) sa pamumuno ni Secretary Francisco Duque, kung bakit bumili ng P1,800 na halaga ng personal protective equipment (PPE) gayung ang market price nito ay nasa P400 hanggang P1,000 lamang bawat set.

Sinabi ni Poe na nakatipid sana ang DOH ng P800 milyon o higit pa kung hindi overpriced PPE ang kanilang binili.

“Confronting an extraordinary public health crisis requires prompt response but in doing so, let us not forget the need for the judicious use of fund releases,” giit ng senador.

Nitong Lunes, isiniwalat ng DOH na hinihintay na nila ang delivery ng 1 milyong set ng PPE na ipapamahagi sa mga pampubliko at pribadong ospital na gumagamot sa mga nagpositibo sa coronavirus at yaong mga taong under investigation at under monitoring.

Dahil sa mga biniling PPE, umaabot na lamang sa P225 milyon ang natirang pondo ng DOH para sa protective equipment.

“Ang bawat piso na matitipid natin sa ganitong panahon ay maaari pa nating magamit sa iba pang mga programa ng gobyerno para makapagbigay ayuda sa ating mga kababayan na higit ring nangangailangan ng tulong tulad ng financial aid at pagkain pang araw-araw,” katuwiran ni Poe.

Nanawagan din ang senador sa DOH na putulin na ang red tape sa pamamahagi ng mga donasyong PPE at iba pang medical devices sa mga ospital na siyang gumagamot sa mga COVID patient.

“Nagpapasalamat tayo at nagdadatingan na ang mga kagamitang mahalaga sa pagsugpo ng epidemiyang ito kaya sana ay maipamahagi ito sa mga ospital at ating mga health frontliners sa lalong madaling panahon,” saad ni Poe.

“Subalit tulad ng pahayag ng Pangulo, hindi ito panahon ng pagsasamantala, kaya nananawagan tayo sa DOH na kung maaari ay iprayoridad ang pakikipag-ugnayan sa mga local manufacturers upang mas makakuha ng murang PPE,” dagdag pa niya.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More