Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

PNR Lucena -San Pablo tumatakbo na ulit!

0 119

Noong kalagitnaan ng Mayo, matapang na ipinangako ni DOTr Sec Art Tugade at PNR Gen Manager Jun Magno na muling tatakbo ang PNR Lucena-San Pablo bago matapos ang termino ng Duterte administration sa Hunyo 30.

Pero dahil hindi natupad ang isang pangako ni Sec Tugade na bubuksan ang Unified Common Station noong Marso, nakisama tayo sa mga ilang nangantiyaw sa pangakong muling pagtakbo ng PNR Lucena-San Pablo. Eto yung pangangantiyaw natin sa radyo sa ating programa sa DZRJ 810AM: https://youtu.be/PKf8L3D_MWI

Pero hindi talaga mabiro etong si Sec Art Tugade. Akalain mong muling pinatakbo ang PNR Lucena-San Pablo limang (5) araw bago matapos ang termino ni PRRD?! Napahiya tuloy tayo sa ating kantiyaw.

Mismong si Presidente Duterte ang nanguna sa pagbubukas ng PNR Lucena-San Pablo Commuter Line, kasama si Sec Tugade, GM Magno at mga opisyales ng LGU. Bilang hudyat ng pagbabalik ng operasyon, pinatunog ang kampana sa istasyon.

Simula noong linggo, Hunyo 26, muling makikinabang sa serbisyo ng PNR ang mga mamayan ng Laguna at Quezon. Huling tumakbo ang nasabing linya noon pang Oktubre 2013 nang masira ang istruktura nito.

Ang riles mula San Pablo hanggang Lucena ay may habang 44 kilometro, at dalawang istasyon sa pagitan nito. Dumadaan eto sa apat (4) bayan at isang (1) siyudad sa mga lalawigan ng Laguna at Quezon. Isandaan piso (P100) lamang ang sisingiling pamasahe ng PNR para sa 30-minutong biyahe.

Kritikal ang muling pagtakbo ng Lucena-San Pablo line sa pagbabalik sa operasyon ng PNR Bicol, o mas kilalang “Bicol Express”, mula sa Metro Manila patungong Timog Luzon, tatagos sa mga lalawigan ng Laguna, Quezon, Camarines Sur at Sorsogon. Mahalaga ang pagbubukas ng Lucena-San Pablo para sa pinapangarap na train mula Tutuban hanggang sa dulo ng Timog Luzon.

Ang muling pagtakbo ng PNR Lucena-San Pablo ay senyales na seryoso ang DOTr na tuparin ang programa na maglatag ng 1,700 kilometro ng riles sa buong bansa.

Para sa inyong kaalaman, narito ang mga riles sa Pilipinas, kasama ang mga tumatakbo na, mga ginagawa sa kasalukuyan at mga plano hanggang sa taong 2025.

Mga Tumatakbo Na:
LRT1 (1984)
LRT2 (2003) + LRT2 East Extension (2021)
MRT3 (1999)
PNR Manila Commuter at PNR South Line (1964)

Mga Kasalukuyang Ginagawa:
MRT7 – (North Ave – San Jose Del Monte) – 22 km
MRT9 (MM Subway) – 33 km
MRT5 (Makati subway) line – 10 km
NSCR (Clark City – Calamba) -148 km
MRT4 (Manila – Rizal) – 16 km
Lrt2 Line West Extension – for Bidding
Lrt1 Line South Extension (Baclaran – Bacoor)
PNR Bicol Express (Calamba-Matnog) – 638 km

Mga Pinag-aaralan:
BGC Monorail (Guadalupe-BGC) – 10 km
LRT6 (Bacoor – Dasmarinas) – 19 km
MRT8 (España Boulevard-QC) – 9 km
C5 MRT10 (NAIA T3 – Commonwealth Avenue) – 22 kilometer
MRT11 (Balintawak-Quirino Hiway-Zabarte Road-San Jose Del Monte) – 18 km
Mindanao Railway Phase1 (Tagum-Davao-Digos) – 100 km

Bagama’t matatapos ang panunungkulan ni Sec Tugade sa DOTr sa Hunyo 30 marami ang umaasa na ang bagong pinuno ng DOTR, incoming Sec. Jimmy Bautista, ay ipagpapatuloy ang trabaho para matupad ang mga riles sa Pilipinas. At kung iyan ay pahihintulutan ni president-elect Ferdinand Marcos, Jr.

Leave A Reply

Your email address will not be published.