Una sa Balita

PNP: Posibleng inside job sa Metrobank robbery

0 351

TINUTUTUKAN sa isinasagawang imbestigasyon ng Manila Police District (MPD) ang anggulong inside job sa panghoholdap sa Metrobank Binondo branch sa Maynila.

Ayon kay MPD Director P/BGen. Vicente Danao Jr., napansin na madaling nakapasok ang mga holdaper sa bangko dakong alas-8:43 Huwebes nang umaga bago pa man ang banking hours na alas-nuwebe pa dapat magsisimula.

Sinabi pa ni Danao na kahina-hinala na pinapasok sa sarado pang bangko ang mga salarin kahit na naka-helmet ang ilan sa mga ito.

Pinag-aaralan na rin ng PNP kung kung maaa­ring sampahan ng kasong obstruction of justice ang pamunuan ng nasabing branch ng Metrobank dahil sa hindi agad pagpapapasok sa mga mag-iimbestigang mga pulis sa ninakawang branch sa Binondo, Maynila.

Ayon kay PNP chief General Oscar Albayalde, hindi dapat nade-delay o pinakikialaman ang ginagawang im­bestigasyon ng pulisya kapag may nagaganap na krimen sa mga pribadong establisimyento katulad ng mga mall, hotel o kahit na sa mga bangko.

Lumalabas kasi na pinigilan ng branch head ng bangko na makapasok ang mga rumespondeng tauhan ng MPD para mag-imbestiga.

Kinailangan pa ang responde ni Manila Ma­yor Isko Moreno bago makapasok sa loob ng bangko ang mga pulis makalipas ang dala­wang oras.

Dagdag pa ni Alba­yalde, ang pakikialam ng branch manager ng bangko ang isa sa posib­leng rason kung bakit walang naaresto ang pulisya sa kawatan. (Juliet de Loza-Cudia/Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy