Una sa Balita

PNP kinuryente sa listahan ng mga narco cop

0 353

IIMBESTIGAHAN ng Philippine National Police (PNP) ang ilang pulis na umano’y nagbibigay ng maling impormasyon upang mapasama sa narco-list ang kanilang mga kasamahan.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. General Bernard Banac, ito ang susunod na hakbang ng PNP matapos ang 30-day adjudication period sa 356 na narco-list ng Pangulong Rodrigo Duterte.

“Kasama ‘yan sa titignan ng PNP matapos lamang itong 30 day period ay ‘yun ang titignan natin paano nagsimula, titignan natin kung sino ang dapat na habulin din sa pagpapakalat ng maling impormasyon,” pahayag ni Banac sa isinagawang press briefing kahapon sa Camp Crame.

Inamin naman ni Banac na posibleng may mga pulis na nagkakalat ng mga maling impormasyon dahil umano sa inggit o mga personal na galit at motibo laban sa kanyang kapwa pulis.

Sa ngayon, ang validation process ay nasa national level na ng adjudication ayon pa kay Banac matapos na isumite na ng mga regional police office ang kanilang rekomendasyon nitong nakaraang linggo.

Ang mga pulis na mapapatunayang nagpapakalat ng maling impormasyon sa drug list ay mahaharap sa kasong misconduct na maaaring mauwi sa pagkakasibak sa kanilang serbisyo.

Bukod sa pulis, ang iba pang kinuhanan ng impormasyon ng narco-list ay ang intelligence unit, media, simbahan at mga civic organization.
Nakatakda namang isumite ng PNP kay Pangulong Duterte ang listahan sa unang linggo ng Marso.

“Antabayanan natin before March 5 bigay na tayo ng resulta at recommendation sa Pangulo,” saad ni Banac. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More