Una sa Balita

PNP: Killer ng vice mayor tukoy na

0 350

KILALA na umano ng mga awtoridad ang suspek sa pamamaril at pagpatay kay San Andres, Quezon Vice Mayor Sergio Emprese na binaril habang nakahiga sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Lucena City noong Martes nang gabi.

Sinabi ni Quezon Police Director, PCol. Audie Madrideo, na base sa imbestigasyon ng binuong Special Investigation Task Force (SITG), lumalabas na personal na kaalitan umano ng bise alkade ang nag-iisang pumasok na gunman.

Kakilala rin daw ito ng biktima kaya malaya itong nakapasok sa bukas na gate at pinto ng bahay at malapitang nabaril ang nakahiga sa sopang bise alkalde.

Tumanggi muna itong ibunyag ang pangalan ng suspek habang hindi pa naisasampa ang kaso dito at isinasagawa pa ang manhunt operation sa nakalalaya pang salarin.

Dati rin umano itong kaibigan ng biktima at nagkaroon lamang ng awayan na umabot pa sa demandahan.

Sa pahayag naman ng kapatid ng biktima na si Chuchi Francisco Emprese na kasama sa bahay nang mangyari ang pamamaril, hindi niya aniya kilala ang gunman na naabutan pa niya at nasigawan habang papalabas ito ng bahay matapos na barilin ang kapatid.

Wala rin sila aniyang alam na nakaaway ang kapatid kaya hinihiling nila ang malaliman pang imbestigasyon sa kaso.

“Kung kaibigan ‘yun ni Popoy (Emprese) dapat ay kilala ko rin at kilala rin ng kanyang driver-bodyguard na nasa salas din ng bahay ng barilin ito” ayon pa kay Chuchi.

May mga kasama rin aniya ang suspek na umaktong look-out at naghihintay sa labas ng bungalow type na bahay ng biktima at saka magkasamang tumakas papalayo sa lugar.

Isang tama sa ulo ng kalibre 45 baril ang ikinasawi ng bise alkalde na nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas sa ospital. (Ronilo Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy