Una sa Balita

PNP, DICT tandem sa giyera vs fake news

0 382

Desidido ang Philippine National Police (PNP) na tugisin ang mga nasa likod ng nagpapakalat ng fake news na nagdudulot ng matinding pangamba sa publiko sa harap ng umiiral na enhanced community quarantine.

Sinabi ni PNP Spokesman Brigadier General Bernard Banac, hiningi na nila ang tulong ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para tuntunin ang mga nagpakalat ng fake news para lituhin at magdulot ng pangamba sa publiko.

“Muli ay nagpapaalala tayo sa mga nagpapakalat ng fake news. Katuwang po natin ang DICT para hanapin ang mga nagpapakalat ng fake news,”ani Banac.

Partikular na tinukoy ng opisyal ang kumalat sa social media na magpapatupad ng spraying sa Metro Manila habang tulog ang mga tao para labanan ang coronavirus disease 2019.

Tinitiyak ni Banac na maipapataw ang pinakamabigat na parusa laban sa mga gumagawa ng fake news sa mga panahong ito.

Muling pinaalalahanan ng PNP ang publiko na manatili sa loob ng bahay para hindi mapasali ang pangalan sa mga listahan ng curfew violators.

“Ang PNP ay nagpapaalala sa lahat, manatili tayo sa ating mga bahay at ayaw namin na kayo ay masita at mapahanay sa listahan ng mga lumalabag sa 24 hour curfew,”dagdag pa ni Banac.(Aileen Taliping)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More