Una sa Balita

PNP bibili ng aso sa halagang P24.5M

By
0 7

Tila nabwisit si Senate President pro-Tempore Ralph Recto na inuna pa ng Philippine National Police (PNP) ang pagbili ng 48 piraso ng aso na nagkakahalaga ng milyun-milyon, sa halip na unahin ang pagbili ng ‘body cam’ para sa mga pulis upang maawat sa pang-aabuso sa mga police operations.

Isiniwalat ni Recto na naglabas ng Special Allotment Release Order (SARO) ang Department of Budget and Management (DBM) para sa pagbili ng PNP ng 48 na piraso ng explosive detection dogs na nagkakahalaga ng P24.56 milyon.

Ibig sabihin nito, nagkakahalaga ng P511,672 ang bawat isang bomb sniffing dog.

Tanong tuloy ni Recto, may pera naman pala ang PNP pero bakit hindi nila inuna ang pagbili ng body camera ng mga pulis?

“I am not yet ready to pass value judgement on that purchase but a half-million-peso dog should be as good as Scooby Doo,” patutsada ni Recto.

“’Yang P24 million na ‘yan, pwede nang ibili ng tig-P10,000 na body cam for 24,000 police officers. Or if 1 body cam will be used two shifts a day, for 48,000 policemen,” giit ng senador.

Ang budget sa pagbili ng aso ay bahagi ng P1,901,472,364 na ipinalabas ng DBM sa PNP.

Kabilang sa bibilhin ng PNP ay 103 light transport vehicles(P132 million);126 personnel carriers (P245.2 million), 323 motorcyles (P31 million); 138 rubber boats (P343.4 million); 320 5.56mm light machine guns (P200 million); 231 7.62 mm light machine guns (P252.4 million) at iba pa.