Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

PNP, Armed group bakbakan sa Maguindanao, 8 dedo

0 107

Patay ang walong miyembro ng isang armadong grupo habang sugatan ang anim na iba pa, kabilang ang isang pulis, matapos silang magbakbakan nang magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga pulis sa bayan ng Rajah Buayan, Maguindanao kahapon ng madaling-araw.

Ayon kay Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BARMM) director, Police Brig. Gen. Arthur Cabalona, naganap ang engkuwentro sa pagitan ng dalawang kampo sa Brgy. Mileb sa nasabing bayan bandang alas-kuwatro ng madaling-araw.

Magsisilbi sana ng warrant of arrest ang mga pulis kina Turkey Utto Utap at Katendeg Mustapha para sa kasong frustrated murder at robbery with homicide na inilabas ng Cotabato City Regional Trial Court (RTC) pero pinaputukan na sila ng grupo ng mga suspek hindi pa man sila nakalalapit sa lugar, dahilan para tamaan si Patrolman Benjamin Dalimbang Laguialam.

Dahil dito, gumanti ng putok ang mga pulis kung saan pagkalipas ng mahigit isang oras na bakbakan ay napatay sina Utep at Mustapha, gayundin ang anim nilang kasamahan, habang limang iba pa ang sugatan sa grupo ng mga suspek.

Nakarekober din ang pulisya sa lugar ng iba’t ibang klase ng mala­lakas na kalibre ng baril, mga bala at mga pampasabog.
Dinala si Laguilam at ang mga sugatang suspek sa Cotabato Regional Medical Center habang ang bangkay naman ng walong suspek ay dinala sa Municipal Health Unit ng Rajah Buayan. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.