Una sa Balita

PNoy, Abad at Garin, inireklamo sa paglabag sa election ban dahil sa Dengvaxia

By
0 1,680

Sinampahan kahapon sa Commission on Elections (Come­lec) ng reklamong pag­labag sa Omnibus Election Code si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III at ilan pang dating opisyal ng pamahalaan kaugnay sa kontrobersiya sa Dengvaxia.

Sa siyam na pahinang joint complaint-affidavit, sinabi ng Vo­lunteers Against Crime and Corruption (VACC) at dating consultant ng Department of Health (DOH) na si Dr. Francis Cruz, na iligal ang pagpapalabas ng gobyerno­ ng P3.5 bilyong pondo ng bayan para ipambili­ ng Dengvaxia, may 45 araw bago idaos ang halalan noong Mayo ng 2016.

Malinaw anila na lantaran itong paglabag sa Section 261 ng Omnibus Election Code dahil sinuway nila ang probisyon na nagbabawal sa pagpapalabas at paggamit ng pondo ng gobyerno para sa pangangampanya sa eleksyon.

Bukod kay Aquino, kasama sa asunto sina dating Budget Secretary Butch Abad, dating Health Secretary Janette Garin, at 16 na iba pang opisyal ng DOH.

Sa reklamo ni Cruz, may go signal nina Aquino, Abad at Garin ang paglabas ng pondo para sa pagpapatupad ng national immunization program sa mga eskuwelahan gamit ang Dengvaxia.

Kumbinsido ang mga complainant na nagamit ang pondo para mapabango ang mga kandidato ng Liberal Party (LP) sa kampanya­ sa eleksyon.