Una sa Balita

PNoy, Abad et al isasalang ngayon sa PI ng Dengvaxia

By
0 710

INAASAHAN na ang pagsipot ngayon ni da­ting Pangulong Benigno Aquino III, dalawang­ cabinet official, at iba pang mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Health (DOH) sa isasagawang preliminary investigation (PI) ng Department of Justice (DOJ) kaugnay sa isinampang reklamo ng dalawang anti-crime advocacy group na may kaugnayan sa kontro­bersyal na anti-dengue vaccine Dengvaxia.

Nabatid na pina­dalhan na ng DOJ pa­nel na pinamumunuan ni Senior Assistant State Prosecutor Rossane Balauag si Aquino, dating budget secretary Florencio Abad, dating health secretary Janette Garin at 44 iba pang res­pondent para dumalo sa preliminary investigation ngayon.

Una nang sinampahan ng kasong kriminal ng Philippine Anti-Corruption Commission (PACC) at Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Manuelito Luna at Eligio Mallari ng Vanguard of the Philippine Constitution, Inc. (VPCI) ang mga respondent.

Kinasuhan ang mga nabanggit ng VACC at VPCI ng kasong paglabag sa Section 3 of Republic Act (RA) No. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act); Section 65 of RA 9184 (Government Procurement, Reform Act); Article 220 (Technical Malversation) of the Revised Penal Code; at Article 365 (Criminal Negligence) of the Revised Penal Code; and for other­ violations of the law ang mga respondent.

Nabatid na noong nakalipas na pagdinig noong Mayo 15 ay na­bigong dumalo sina Aquino kaya muling itinakda ang pagdinig at inobliga ang mga respondent na dumalo para personal na panumpaan ang kanilang affidavit.

Bukod kina Aquino, Abad at Garin, kasama rin bilang mga res­pondent sina DOH undersecretaries Dr. Carol Tanio, Gerardo Bayugo, Lilibeth David at Mario Villaverde; at assistant secretaries Lyndon Lee Suy at Nestor Santiago.

Gayundin sina Health department’s Financial Management Service director Laurea­no Cruz; Directors Dr. Joyce Ducusin, Dr. May Wynn Belo, Dr. Leonila Gorgolon, Dr. Rio Magpantay, Dr. Ariel Valencia at Dr. Julius Lecciones; retired health undersecretaries Dr. Ne­mesio Gako, Dr. Vicente Belizario Jr., at Dr. Kenneth Hartigan-Go; at Dr. Yolanda Oliveros, na nagsilbing head exe­cutive assistant ni Garin.

Dadalo rin ang mga opisyal at empleyado ng Zuellig, na nag-supply ng Dengvaxia vaccine, at Sanofi Pasteur, ang manufacturer ng Dengvaxia.