Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

PMVIC project ng LTO, preno muna

0 84

Nagsumite na po ng Committee Report ang Senate Committee on Public Services na nagpapatigil sa operasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center ng LTO.

Bagamat sakop po ng kapangyarihan ng LTO ang inspeksyon ng mga sasakyan, kwestyonable naman po ang ginawa nitong pag-delegate ng kapangyarihan nito sa pribadong sektor.

Matatandaang nagpalabas ng kautusan noong 2018 ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Office (LTO) na nag-a-awtorisa sa operasyon ng mga Private Motor Vehicle Inspection Centers (PMVICs).

Hindi po natin lubos na maintindihan kung bakit pinipilit ng LTO ngayon ang vehicle inspection sa pamamagitan ng mga PMVIC samantalang aalog-alog ang ating mga kalye dahil pa rin sa patuloy na paghihigpit sa mga byahe.

Marami rin po siyempre ang hindi makapagpamentena dahil sarado ang mga talyer o casa o di kaya nama’y kapos sila sa budget dahil pa rin po sa impact ng COVID-19 sa trabaho.

Dati-rati, umaabot lang po sa P500 ang emission testing fee pero ngayon, nangongolekta ang mga PMVIC ng halagang P1,800 para sa inspeksyon ng mga sasakyang may timbang na di-tataas sa 4,500 kilograms.

Kapag hindi po pumasa sa test ang sasakyan, kailangan po itong ipa-repair bago muling dalhin sa PMVIC kung saan kailangang magbayad ng dagdag na P900 para makakuha ng clearance.

Ang mga motor at tricycle naman po ay hinihingan ng P600 inspection fee at karagdagang P300 para sa re-inspection.

Bakit nga po ba sunod-sunod ang pagpapataw ng mga dagdag na bayarin ngayong may pandemya?

Mula po sa gustong singiling buwis noon sa mga online sellers hanggang sa Philhealth at SSS premium rates hike, at ngayon naman, pati po sa inspeksyon ng mga sasakyan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Wala po ito talaga sa timing dahil napakarami pong nawalan ng trabaho at hanggang ngayon ay pinipilit na maghigpit ng sinturon para maitawid lang ang pang-araw-araw nila.

Sa ginawang pagdinig ng Senado tungkol sa isyu, natuklasan din pong hindi naging lubos na transparent ang LTO kaya pinagdududahang may korapsyon sa proseso ng pagpili sa mga PMVIC. Target po ng LTO na maglagay ng 138 na mga PMVIC sa buong bansa.

Kaya nakikiisa po tayo sa kaliwa’t kanang mga panawagan na pumreno muna ang LTO hinggil sa isyu ng PMVIC.

Kaugnay nito, sinusuportahan din po natin ang rekomendasyon ng Committee on Public services na i-repeal o ipawalang-bisa na ang

DOTr Department Order 2018-019 at lahat ng mga kaugnay na polisiya ng ahensya tungkol sa operasyon ng mga PMVIC.

Ang batas trapiko po ay parang sasakyan: may preno at may reverse ang kambyo. Kung ang isang alituntunin po ay maaring makaperwisyo, dapat lang pong ihinto ito.

Ang papel po ng Senado ay pumito kung may abuso, at kung ang isang reglamento ay tulad ng isang sasakyang ‘di ligtas at maraming diperensya, dapat pong ipatigil ito.

Bilang inyong Empleyado sa Senado, tungkulin po natin na ipatigil ang anumang polisiya ng mga ahensya ng ating pamahalaan kung makakasakit ito sa ating mga kababayan.

Ang PMVIC po ay klarong halimbawa ng polisya na makakadagdag lang sa mga pasanin ngayon ng ating mga kababayan, lalo na po sa ating mga manggagawang patuloy na apektado ng pandemya ang kabuhayan at trabaho.

senatorjoelvillanueva@yahoo.com

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.