Una sa Balita

PLDT-MVP turuan ng leksiyon – Kongreso

By
0 1,497

NAGKAKAISANG iginiit ng mga mambabatas mula sa Makabayan bloc ng Kamara na dapat magpakitang gilas si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III para hindi lamang puro laway ang direktiba nito sa usapin ng labor-only contracting o endo ng mahigit 7,000 manggagawa ng PLDT.

Sa direktiba ng DOLE, inutos nito sa PLDT na i-regular ang kanilang mga manggagawa. Pinagbabayad din ang kompanya ng binatang negosyante na si Manuel V. Pangilinan sa mga benepisyo ng kanilang mga manggagawa na umaabot sa P51.6 milyon.

Ayon kay ACT Teacher­s Party-list Rep. Antonio Tinio, napakalinaw ng desis­yon ng DOLE kaya dapat sumunod ang PLDT.

“So, sa bahagi ng PLDT dapat silang mag-comply. Sa bahagi naman ng DOLE kailangang magpakita sila ng political will para i-implement ang sarili nilang utos,” pahayag ni Tinio sa panayam ng Abante kahapon.

Ipinunto naman ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na kinakailangang ikagat na ng gobyerno sa pamamagitan ng DOLE ang pangil laban sa hindi makatuwirang patakaran ng PLDT sa mga manggagawa nito.

Para naman kay Gab­riela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, hindi sapat na bayaran lamang ng PLDT ang mga manggagawa.

“So, ibalik sila nang makapagtrabaho sila nang maayos tapos gawin silang regular ‘yun talaga ‘yung pangmatagalang solusyon.

(Kapag hindi sumunod ang PLDT) dapat magbigay ng sanction ang gobyerno… talagang dapat gumawa ng paraan ang DOLE na ma-impose itong sinasabi na hindi nagko-comply ang PLDT para sa rights ng ating mga manggagawa,” pagdidiin ni Brosas.