Una sa Balita

PLDT-MVP sasampolan ‘pag tsinugi ang 7,300 endo

By ,
0 5,996

NAGPATAWAG ng ora-oradang press confe­rence ang Department of Labor and Employment (DOLE) kahapon para ianunsiyong bibigyan nito ang PLDT Inc. ng clarificatory order tungkol sa regularization ng 7,306 manggagawa na naka-endo sa kompanya ng binatang negosyante na si Manuel V. Pangilinan.

Inuulit lamang ng clarificatory order ang mga naipahayag na ng DOLE noong Enero at Abril pero may kasama nang legal na banta.

Binigyang-diin pa sa clarificatory order na walang anumang kondisyon sa kanilang kautusan na i-regular ng PLDT ang kanilang mga manggagawa.

“Consistent with the Resolution dated 10 January 2018 and the Resolution dated 24 April 2018, this Office clarifies that pursuant to existing laws, the regularization of wor­kers as a result of the finding of labor-only contracting takes effect by operation of law, and is not subject to any condition,” nakasaad sa clarificatory order ng tanggapan ni DOLE Secretary Silvestre Bello III.

“Any act or condition imposed that frustrates or tends to frustrate the order to regularize is contumacious and shall be dealt with in accordance with law,” ayon pa sa paglilinaw ng DOLE.

Samantala, iginiit kahapon ng daan-daang mga manggagawa na sinibak ng PLDT mula sa iba’t ibang job agency nito na puwersahin ng DOLE ang kompan­ya ni Pangilinan para sundin ang kautusan sa kanilang regularisasyon.

Pasado alas-10:00 nang umaga kahapon nang mag-rally sa tanggapan ng DOLE sa Intramuros, Maynila ang mga sinibak na emple­yado ng PLDT na umaasang magiging regular sila dahil sa kautusan ng kagawaran.

Ayon sa mga manggagawa na miyembro ng PLDT Organization of Workers and Emplo­yees for Rights (PO­WER) at Depend Job Philippines, positibo sila na paninindigan ng DOLE ang naging desis­yon nito na nag-uutos kay Pangilinan para i-regular ng kompanya ang lahat ng kanilang mga empleyado.

Ang PLDT ay nasa Top 3 ng mga malala­king kompanya sa bansa na nagpapatupad ng labor-only contracting scheme.