Una sa Balita

PLDT-MVP pinasusuka ng P51M sa endo

By ,
0 1,833

AABOT sa P51.6 milyon ang kailangang bayaran ng PLDT Inc. sa 7,306 empleyadong tinamaan ng labor-only contrac­ting o endo scheme ng kompanyang pag-aari ng negosyanteng si Manny V. Pangilinan.

Ayon sa Department of Labor and Employment, January 10 pa nila inutos ang pag-re­gular sa mga manggagawa at bayaran sila ng kanilang mga benepisyo na umaabot sa P51.6 milyon.

Iginiit ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ‘final and executory’ na ang kautusan dahil ibinasura nila ang motion for reconsideration na inihain sa kanila ng PLDT.

Dagdag pa ni Bello, mali ang ginawang pagsibak ng PLDT sa mga manggagawa na galing sa contractor dahil ang utos ay gawing regular ang mga manggaga­wang iyon.

Kahit pinahinto na ng DOLE ang kontrata sa pagitan ng PLDT at ng mga service contractor nito, hindi dapat mawalan ng trabaho ang mga naka-endo dahil dapat nga silang gawing regular.

Sabi ni Bello, blacklisted na ang mga service contractor ng PLDT at hindi na papayagang pumasok sa ganitong negosyo.

“The order is to regularize all of more than 7,000 workers which were outsourced by the contractors because they are found to be labor-only contractors. The job, work or services of the workers are necessary and desirable to the business of PLDT, hence they should not be outsourced,” aniya.

Handa namang makipagpulong si Bello sa mga executive ng PLDT upang ayusin ang atraso nila sa mga empleyado at maipaliwanag na rin ang mga karagdagang kautusan ng kagawaran sa nasabing kompanya.

“I told them already to propose their regularization plan and submit it to us. We are willing to consider. I’m sure that PLDT is also a law-abiding company. We will have a meeting with them to clear all the legal extent of the order,” paliwanag pa ng kalihim.

Noong Abril 24, 2018, naglabas si Bello ng kautusan na i-re­gular ang 7,306 manggagawa ng PLDT at ibinasura ang mosyon sa resolusyon na inilabas ng DOLE noong Enero 20, 2018, na nagtutulak sa kompanya at mga kontratista nito na bigyan ang kanilang empleyado ng regular na katayuan sa pagtatrabaho at magbayad ng mga monetary benefit sa mga manggagawa na aabot sa halagang P51.6 milyon.