Una sa Balita

PLDT-MVP ‘di tatantanan ng palasyo sa ENDO

By , ,
0 398

MAY ligal na remedyo pa ang mga empleyado ng PLDT Inc. na pag-aari ng 72-anyos na negosyanteng binata na si Manny V. Pangilinan para maging regular sa kanilang trabaho.

Ito ang pangako ng Malacañang makaraang baligtarin ng Court of Appeals (CA) ang utos ng Department of Labor and Employment (DOLE) na gawing regular ang mga empleyado ng PLDT na matagal nang nagtatrabaho sa kompanya subalit hindi ma-regular dahil sa palaging nabibiktima ng ‘endo’ o end of contract.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nalulungkot ang Palasyo sa naging aksiyon ng CA dahil ang desisyon ng DOLE ay desisyon ng Ehekutibo.
Umaasa aniya ang Palasyo na sa sandaling umakyat sa Supreme Court ang usapin ay mananaig ang desisyon ng DOLE.

Binanggit ni Roque na hangad nila na maging regular ang mga empleyado ng PLDT dahil bahagi ito ng campaign promise ni Pangulong Rodrigo Duterte na tapusin na ang kalakaran ng mga negosyante sa endo.

“Ang desisyon po ng DOLE ay desisyon ng Executive. Siyempre po nalulungkot kami na binaligtad ng CA ang desisyon. Pero umaasa pa rin kami na ‘pag umabot ito sa Supreme Court eh mananaig pa rin ang naging unang desisyon ng DOLE na desisyon ng Ehekutibo. So we are for the regularization of the workers of PLDT,” diin ni Roque.

Samantala, inaaral na ng DOLE ang desis­yon ng Court of Appeals (CA) sakaling magsampa sila ng motion for reconsideration.
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na pumayag na ang Office of the Solicitor Ge­neral na maging katawan ng DOLE sa kaso sa CA.

Nalulungkot si Bello sa naging desisyon ng CA dahil 7,000 emple­yado ang hindi mare-re­gular sa trabaho.

Kinatigan ng Court of Appeals ang utos ng DOLE sa PLDT na gawing regular ang mga lineman nitong naka-endo ngunit ibinasura naman ang kautusan nitong gawin ding regular ang iba pa na nasa back office support and office operations, call center at business process outsourcing, information technology, janitorial at messengerial services at iba pa.

Ang 47 na pahinang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Edwin D. Sorongon.

Hindi naman ikinasorpresa ng isang kongresista ang desisyon ng CA.

Ayon kay Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas, wala talagang mapapala ang mga manggagawa dahil kitang-kita kung kanino nakakiling ang CA.
Mistulang binastos aniya ng CA ang DOLE at kampanya ni Pangulong Duterte laban sa endo.