Una sa Balita

PLDT-MVP 4 taon nandaya sa subscriber

By
0 3,372

HALOS apat na taon nang dinadaya ng PLDT Inc. ang subscriber na si Jasmin Vergara dahil nilimita nito ang internet speed niya sa 2mbps lamang pero ang subscription niya ay para sa 3mbps na binabayaran niya ng P1,299 kada buwan simula pa noong 2014.

Nadiskubre lang ito ni Vergara noong Hunyo 9, nang tumawag siya at pinagpasa-pasahan sa PLDT Customer Service hotline. Nagbalak kasi siyang lumipat sa PLDT Fibr dahil nababagalan siya sa kanyang internet pero inawat siya ng mga kamag-anak dahil dini-discourage sila ng PLDT.

Sa tuwing sinisipat niya ang internet speed niya, bitin na bitin sa 2mbps lang ang nakukuha niya kaya gusto niyang ilipat ng Fibr. Kailangan kasi niya ng 3mbps na speed para sa trabaho kaya nagtiyaga siyang tumawag ulit.

Isang oras siyang naghintay sa pagkaka-hold sa kanya at pinagpasa-pasahan hanggang sa nakausap niya ang tech team ng PLDT. Sabi sa kanya, hindi niya kailangang mag-upgrade dahil pang-3mbps naman ang binabayad niya. Nang inurirat niya, sinabi sa kanya ng isang representative na nilimita ang bilis ng internet niya sa 2mbps noon pang 2014.

Pinag-iisipan tuloy ng subscriber kung ano ang puwedeng gawin sa apat na taon na binabayaran niya para sa 3mbps na plan pero 2mbps lang ang dine-deliver ng PLDT.

Pinalampas na raw ng subscriber ang mga panahon na nawawala ang connection ng internet pero ito pa ang kanyang natuklasan sa kompanyang pag-aari ng binatang negosyanteng si Manny V. Pangilinan.

Napagtanto ni Vergara na dapat lang na i-reimburse siya ng PLDT para sa kulang na 1 mbps sa panahong iyon o bigyan siya ng bagong rate para ma-reflect ang advance payment.

Tinanong ng Abante ang PLDT Media Affairs tungkol sa isyu ni Vergara noon pang Setyembre pero wala pa itong sagot hanggang ngayon.