Una sa Balita

PLDT ginulangan ang senior citizen sa Fibr plan

By
0 1,048

SINAMANTALA ng PLDT ang senior citizen na magulang ng internet user na si Giselle Glaiza na pina-upgrade nito sa Fibr plan at napapayag na kumuha ng telpad at fam cam dahil libre umano ang installation.

Ayon sa reklamo ni Glaiza na pinost niya sa social media noong Mayo 6, sinabi sa kanyang mga magulang na Fibr upgrade ang ibibigay pero iyon pala DSL upgrade lang na mula 3mbps hanggang 6mbps lamang.

Pinagsamantalahan din umano ang magulang niya na pumayag mag-avail ng telpad plan at fam cam sa pa­ngakong free installation.

Nang tumawag na sila para sa installation, sinabihan silang may bayad ito ng P1,000.

Sabi ni Glaiza, wala siya sa bahay ng ialok ng PLDT ang mga bagong produktong nagpalaki ng kanyang bill na hindi naman niya mapakinabangan.

“False Advertisement!” sabi ni Glaiza.

“They even billed us a 30-day free trial ng Cignal & Netflix dahil nag avail kami ng Roku TV dapat hindi, logic lang di ba? Free trial nga,” dagdag pa nito.

Halos isang linggo na nang tinanong ng Abante ang PLDT kung outsourced ang kompan­yang nag-alok ng mga karagdagang produkto sa magulang ni Glaiza at kung ano ang mga patakaran nito sa pagsingil ng installation charges ngunit hindi tumugon ang kompanya na pag-aari ng negosyanteng si Manuel V. Pangilinan.