Una sa Balita

Player na, referee pa (Part 1)

By
0 590

Sa pagkakaaresto ni Maria Ressa, na bossing ng news website na Rappler, ang tagapagbalita, naging laman na naman ng balita.

Sa ibang news organization, isa sa mga madalas na bilin ng pamunuan ng kompanya sa kanilang mga tauhan [partikular sa mga field reporter], kumuha ng balita at huwag maging laman ng balita. Ibig sabihin, dapat maging maingat sa mga ibinabalita at hindi ka makasagabal kung mayroon man mga operasyon na ginagawa ang mga awtoridad.

Sa kaso ng Rappler, ang napiling ‘fact checker’­ ng Facebook, naging laman na naman ito ng mga balita at pinag-usapan sa social media nang arestuhin si Ressa ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation sa kanilang tanggapan. Bunga ito ng kasong cyberlibel na isinampa ng isang negosyante dahil sa isang artikulo na inilathala nila sa website noong 2012.

Hindi na natin pag-uusapan ang merito ng kaso dahil korte ang magpapasya kung may basehan bang ituloy ang kaso dahil kahit pa sinasabing wala pang cyberlibel law nang ilathala nila ang ulat. Pero sabi kasi ng nagrereklamo, ‘continuing’ ang artikulo dahil nagkaroon ng ‘update’ sa post nang panahon na umiiral na ang nasabing batas.

Hindi ito ang unang pagkakataon na naging­ laman ng balita ang Rappler at si Ressa. May kinakaharap din silang kaso tungkol sa 2015 tax return ng kompan­ya at umano’y pagkakaroon nila ng dayuhang financial sa kompanya na ipinagbabawal sa batas. Bukod pa rito ang hindi na mabilang na banat sa kanila ni President Mayor Digong Duterte dahil sa umano’y paglalabas ng mga hindi totoong balita.

Kung libreng publisidad ang pag-uusapan, aba’y winner ang Rappler dahil mantakin mong kahit ang ibang news agencies [pati kakompitensiya nila sa online news] eh nagagamit ang istorya nila. Kaya nga hirit ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, mukha nai-enjoy ni Ressa ang publisidad.

Related Posts

Pero may basehan nga ba na ang nangyayari sa Rappler at pag-aresto kay Ressa eh taktika ng administrasyong Duterte para manakot at gipitin ang malayang pamamahayag? Kung tutuusin, maraming miyembro ng media ang nadedemanda ng libel kahit pa ang mga nasa probinsiya. Iyon nga lang, hindi naibabalita dahil hindi naman nila ipinagkakalat. At mas gusto ng mga mamamahayag na makasuhan ng libel kaysa ma-riding in tandem.

Biru-biruan din sa media na hindi ka ganap na mamamahayag hanggat hindi ka nala-libel. Kaya si Ressa, aba’y ganap na ganap na siguro ang pagiging taga-media niya.

Tanong tuloy ng ating kurimaw na pangarap noon na maging mediaman, bakit hindi raw nakapagpiyansa kaagad si Ressa bago pa maisilbi ang warrant sa kanilang opisina? Kung mahusay nga naman ang kanilang kompanya sa pagkuha ng source ng mga balita, dapat daw eh nakakuha na sila ng ‘tip’ tungkol sa warrant para nakapagpiyansa agad.

Sa totoo lang, hindi talaga maganda ang timing­ ng NBI nang arestuhin nila si Maria Ressa sa tanggapan nito kung kailan patapos na ang opisina at hindi na siya makakahabol ng piyansa sa korte.

At hindi na bago ang ganitong taktika ng mga awtoridad para manggipit ng aarestuhin. Ang iba pa nga, itinataon ang pag-iisyu ng warrant sa Biyernes ng hapon para buong weekend nasa kulungan ang aarestuhin. Ang iba pa nga, sa probinsiya kinakasuhan para pagurin at pagastusin sa pagbiyahe ang kawawang mediaman.

Ngunit kung hindi natunugan ng reporter ng Rappler na may arrest warrant pala ang kanilang lady ‘boss’, aba’y dapat sigurong masabon kung sino man iyon. Liban na lang kung talagang sadyang ayaw nilang unahan ang piyansa dahil gusto talaga nilang isilbi ang warrant sa opisina, arestuhin doon si Ressa, at magpalipas siya ng gabi sa NBI ‘detention’ cell para makakuha ng libreng news ‘coverage.’ Ganun nga kaya? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy