Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Plantasyon ng marijuana sinalakay, P6.33M ilegal na droga sinunog

0 233

Umaabot sa P6.33 milyon na halaga ng tanim na marijuana ang winasak ng pinagsanib na puwersa ng mga pulis at sundalo matapos nilang salakayin ang plantasyon ng ilegal na droga sa Cebu City noong Sabado.

Sa ulat na ipinadala ng Police Regional Office (PRO) 7 kay Philippine National Police (PNP) chief General Dionardo Carlos, sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng Cebu City PNP at Naval Forces Central 7 ang malawak na plantasyon ng marijuana sa mabundok na bahagi ng Barangay Adlaon nitong Sabado ng umaga base na rin sa nakuhang tip mula sa kanilang impormante.

Umaabot sa 15,840 puno ng marijuana ang binunot ng mga awtoridad na aabot umano sa P6.33 milyon ang halaga.
Samantala, sinabi ng mga awtoridad na mayroon na silang suspek sa nagmamantine ng nasabing plantasyon kahit wala silang nadatnang suspek sa lugar.

Sinunog ng mga pulis at sundalo ang plantasyon matapos kumuha ng sample stalks para sa gagawing imbes­tigasyon.
Pinuri naman ni Carlos ang matagumpay na operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PNP at AFP at nangakong tutugisin ang mga responsable sa pagtatanim nito. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.