Una sa Balita

Planking

0 321

Naextend ang ating lockdown at matatagalan pa bago tayo makalabas sa ating mga tahanan.

Hindi agad agad makabalik sa dating mga ritwal at gawain kabilang ang pagpunta sa gym para makapag work out at panatiliing malakas ang ating mga katawan.

Ang tanong sa atin ng ating mga tagasubaybay ay ano ano ba ang maaaring gawin upang hindi manghina ang katawan gayong nasa bahay lang tayo. Ehersisyo ang sagot dito.

Hindi kinakailangan ng mga hi tech o malalaking makina na nakikita sa gym para makapagensayo. Ang mas importante ay ang prinsipyo kung bakit nageehersisyo ang intindihin. May dalawang nangyayari sa muscle kapag ito ay naehersisyo. Ang isotonic at isometric contraction.

Ang una ay umiikli ang muscle kapag nagbuhat kaya gumagalaw. Ang pangalawa ay contraction ng muscle na walang kaakibat na galaw. Kung galaw ang gusto, maaaring maglakad sa buong bahay ng ilang beses. Pumanhik at manaog sa hagdanan para madagdagan ang resistance.

Kung pagbuhat ang gusto, mayroong iba’t ibang mga kagamitan sa bahay na pwedeng gamitin maliban sa tunay na weights. Gumawa ng paraan o alternatibo, gaya ng buhangin, bato, o anumang mabigat na bagay.

Timbangin lang ng maayos ng hindi nanghuhula sa tunay na bigat ng mga bagay na ito. Sa isometric exercise ay may isa ding ehersisyo na maaaring gawin na hindi kinakailangang gumalaw. Ito ang planking.

Ang planking ay ang pagdapa katulad halos ng pag push up maliban sa imbes na kamay ang pumumipigil sa katawan ay buong bisig at pinananatili ang posisyon hanggang kaya. Nagumpisa ang planking na parang biro noong late 1980’s hanggang naging challenge at game. Tinawag na lying down game noong 1990’s.

Ang “planking” na salita ay naimbento nina Sam Weckert, Darcy McCann at Kym Berry mula sa Adelaide sa South Australia noong 2008. Mula noon, sumikat ng husto at naisama na sa mga programa ng ehersisyo. Ang nagagawa ng planking ay napapatibay ang core strength natin.

Napapalakas din ang mga likod, balikat, dibdib, napapanipis ang tiyan at napapaganda ang abs. Maliban dito, napapaganda din ang pustura natin.

Maikli man isipin ang isang minuto ngunit sa planking ay mahirap na ito. Mapapansin na sa umpisa ay manginginig ang buong katawan. Sinasaad nito na mahina pa ang ating muscle tone at hindi naka set.

Huwag panghinaan ng loob dahil kung tuloy tuloy na gagawin, kusang lalakas ang katawan at mababawasan ang panginginig. Magumpisa kahit 5 segundo lamang at dagdagan ng 5 sa susunod na araw, at magdagdag lang ng magdagdag hanggang sa tumagal ng husto kahit 2 hanggang 4 na minuto pa.

Sana’y tumibay at gumanda katawan natin kahit lockdown.
Hanggang sa susunod na Huwebes!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists.

Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center.Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn).

Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More