Una sa Balita

Piso muling sumadsad, pinakamababa sapul nu’ng 2005

By
0 578

MULING sumadsad ang halaga ng piso kontra dolyar kahapon, pinakamababa sapul noong 2005.

Sa pagbubukas pa lamang ng merkado, bumagsak agad sa P53.94 ang halaga ng isang dolyar mula sa P53.88 nang magsara ang merkado noong Lunes.

Nagsara ito sa halagang P53.94 bawat dolyar nitong Martes. Noong Disyembre 7, 2005, bumagsak sa P53.985 ang halaga ng bawat dolyar.

Hindi umubra ang inilargang Currency Risk Protection Program facility ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na huling ginamit noong 1997 Asian financial crisis para mapigil ang peso depreciation.

Sa kabila nito, ipinagmalaki pa ng Department of Finance (DOF) na ang bansang may malakas na ekonomiya lang ang tinatamaan ng depreciation o paghina ng halaga ng pera.

Ang Indian rupee ay nakaranas ng 11.7 percent na pagbagsak ng kanilang pera, habang ang rupiah ng Indonesia ay 9 percent naman. Ikatlo ang Pilipinas na bumaba ng 7.39 percent ang halaga ng piso. ­