Piso lumagapak sa P55

Humalik sa P55.15 ang pinakamababang palitan ng piso sa dolyar kahapon ng umaga bago ito nagsara ng P54.78, mas malakas sa closing nito noong Biyernes na P54.985.
Nagbukas ang palitan kahapon sa P54.93 laban sa dolyar at bumagsak lampas P55 ng umaga.
Nagsara ang palitan ng piso sa P54.78, ang pinakamalakas nito kahapon ngunit ang average na palitan ay nasa P54.982 na mas mahina pa rin sa average noong Biyernes na P54.801.
Ibig sabihin, mas mahal pa rin ang kabuuang palitan ng piso laban sa dolyar kahapon kumpara noong Biyernes.
Sabi ni ING Philippines economist Nicholas Mapa, lumagpas sa P55 ang palitan ng piso nang sabihin ng Bangko Sentral ng Pilipinas na hindi nito ito ipagtatanggol. Babala niya, asahang mas hihina pa ang puso sa ngayon at asahang lalo pang bibilis ang pagmahal ng presyo ng mga bilihin.
Babala naman ni Bank of Philippine Islands lead economist Emilio Neri Jr., 5% na ang hihina ng piso sa loob ng isang buwan at maaaring madaig nito ang South Korean won pagdating sa paghina at baka lalong maging problema ang inflation. (Eileen Mencias)