Una sa Balita

Piso bumagsak sa 54, pinakamababa sa loob ng 13 taon

By
0 331

TULUYAN nang dumausdos ang piso sa P54 kada dolyar kahapon na maituturing na reflection ng kawalan ng kumpiyansa ng mga negosyante sa kahihinatnan ng ekonomiya.

Nagbukas ang palitan sa P53.90 bawat dolyar, mas malakas kaysa sa naitalang pagsara nito noong Martes na P53.94, pero sumadsad na sa P54.14 umaga pa lang. Nagsara ang piso sa palitan na P54.13 ang dolyar. Ito ang pinaka­mababang halaga ng piso mula noong Dis­yembre 2, 2005 nang ito ay umabot sa P54.155.

Mas maraming namili ng dolyar kahapon sa $772.5 milyon kumpara sa $434.1 milyon noong Martes.

Ang pinakamababang halaga ng piso laban sa dolyar ay P56.45 na naitala noong 2004.

Hindi nakatulong ang televised tete-a-tete ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Chief Presidential Legal Adviser Salvador Panelo noong Martes ng hapon.

Kung pinag-usapan sana dito ay ang plano ng pamahalaan sa ekonomiya, pagpapababa ng presyo ng mga bilihin, maaaring nakatulong ito dahil ito ang pangunahing tinitignan ng mga negosyante.

Pero dahil mas binigyang-tuon sa one-on-one si Senator Antonio Trillanes IV, nawalan ng gana ang ibang negosyante samantalang nag-alala naman ang iba kaya’t natarantang mamili ng dolyar kahapon sa merkado.

Sa paghina ng piso, nagbabadyang tataas muli ang presyo ng gasolina at bigas dahil inaangkat ang mga ito at dolyar ang ipi­nambabayad.