Una sa Balita

Pisa ang Pinoy sa PISA

0 394

Nakapanlulumo ang resulta ng ginawang pagsusulit ng mga ­estudyanteng Pinoy na edad 15 sa Programme for International Student Assessment (PISA) kung saan kulelat tayo sa 79 bansa pagdating sa pag-unawa sa binabasa at pangalawa naman sa kulelat sa math at science.

Ginawa mga tsong ang pagsusulit noong nakaraang taon, na ­unang pagkakataon na sumali ang bansa pakulo ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD). Tinatayang 600,000 estudyante sa high school mula sa 79 na bansa ang kumuha ng pagsusulit. Ang mga Pinoy, nasa 7,000 mula sa 188 public at private schools.

Hindi biro ang ­resulta ng ­pagsusulit dahil ­mahalaga ­siyempre sa pang-araw-araw na ­buhay natin, lalo na sa pagtatrabaho, na dapat alam mo at nauunawaan mo ang binabasa mo para maka­gawa ka ng nararapat na sagot, o tamang aksyon. ­Kahit kasi nakababasa ka pero hindi mo naman naiintindihan ang binabasa mo, ang labas mo niyan eh “sabaw.”

Hirit ng isa nating kurimaw na madalas mapagalitan ng guro dahil panay ang “may I got out,” baka kung tungkol sa k-pop idols, video games o scandal, o mga trending sa online at meme, ang itinanong sa PISA, ­tiyak na hindi tayo kulelat. Bakit nga naman hindi hihina o pupurol ang utak ng ­kabataang Pinoy ­ngayon, aba’y walang ginawa kung hindi tumitig sa kanilang smart phone at gadget ng ­buong araw. Bukod doon, gabi-gabing nagdadasal na sana eh walang pasok kahit walang bagyo.

Pero kahit ganito ang resulta ng mga estudyan­teng Pinoy sa PISA, bibilib ka rin ­naman sa fighting spirit ng mga ­opisyal ng Department of Education.

Mukhang hindi sila nababahala at tiwala silang magbabago ang sitwasyon sa mga darating na taon. Maganda nga raw na sumali na tayo sa PISA para malaman natin ang mga dapat paghusayin sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Mantakin niyo nga naman, aba’y ilang dekada na nga bang isyu ang mga panawagan na pahusayin ang kalidad ng edukasyon sa Pilipinas. Hindi ba’t taon-taon na lang eh problema ang kakula­ngan ng silid-aralan, ­kulang sa upuan, ­kulang sa mga guro, at kung may guro man, sinasabing ­mahina ­namang magturo, ­kulang sa libro, at kung anu-ano pang ­kulang. Ang matindi nito, taon-taon ay sinasabing ang edukasyon ang may pinakamalaking bahagi ng taunang badget alinsunod sa itinatakda ng Konstitusyon; pero lagi pa ring kulang.

Kung 15-anyos ang mga estudyanteng ­kumuha ng PISA, luma­labas na nasa grade 8 na sila, alinsunod sa K-12 program. Ibig kayang sabihin nito eh nagkakaroon ng pagkukulang sa pagtuturo sa ­elementarya? Ilan kaya sa mga ­estudyante sa private at public school na ­kumuha ng PISA ang nakakuha ng mas mataas na score? Alam naman kasi ­natin na kahit papaano eh mas maayos ang turo sa ­private dahil sa mas kakaunti lang ang ­estudyanteng nagsisiksikan sa kuwarto kum­para sa public school.

Bukod doon, mas maginhawa ang pag-aaral sa silid-aralan ng private na kung hindi de-aircon eh mas maa­yos ang ventilation kumpara sa private school, na masuwerte na kung may isang matinong electric fan na gumagana. Ngunit kung lilitaw na mas mataas ang score ng mga estudyante sa ­public kaysa private, aba’y mas malaking problema.

Sabi ng DepEd, magandang pangyayari ang pagsali ng Pilipinas sa PISA para mapag-aralan ang mga reporma na kailangang gawin sa edukasyon sa bansa. Ika nga, parang nanga­nganay pa ang mga mag-aaral natin at hindi na rin sila nagulat sa resulta. Pero sa totoo lang, okay lang sigurong mababa tayo sa score pero hindi naman sana kulelat at pangalawa sa kulelat.

Ang kagandahan lang nito, dahil nga nasa ilalim tayo, may pag-asa pang umangat sa susunod na pagsusulit. Kumbaga sa eleksyon na kulelat ang isang politiko sa ratings, ang pampa­lakas ng loob niya eh—there’s no way but up.

Iyon nga lang, sana naman ay sa lalong madaling panahon para ­naman hindi maging pulpol generation ang mga kabataan natin ngayon. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More