Una sa Balita

Piolo pinaboran ng anak ni kabayan sa DOT ‘raket’

By
0 2,711

PINAG-AARALAN ng mga abogado ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na panagutin ang mga nasa likod ng ‘Bring Home a Friend’ program ng kagawaran.

Ilan sa mga bubusisiin ay ang P500,000 ba­yad kay Piolo Pascual sa pagkanta ng kapirasong jingle para sa nasabing tourism campaign.
Sinasabing ang orihinal na singer ng jingle ay si Gary Valenciano na ang bayad ay mas mababa sa ibinayad kay Piolo. Isa rin sa opsiyon ang singer/composer na si Ogie Alcasid na P100K lamang umano ang budget.

Subalit ayon sa source mas pinili umano ng project manager na si Philip Evangelista, assistant ni DOT Undersecretary Katherine De Castro, ang kaibigan nilang si Piolo na pakantahin ng jingle.

Abante Hiring – IT dep

Maliban kay Piolo, ang iba pang Kapamilya talent na binayaran ng DOT sa mga event at Christmas party ay sina Anne Curtis at ang banda ni Pancho Juanitez, na sinasabing boyfriend ng anak ni Kabayan Noli De Castro.

Kaugnay nito, nabatid na pinagpapaliwanag ni Puyat sina De Castro at Evangelista hinggil sa pagwawaldas ng pondo ng DOT.

Ang kautusan ay ipinalabas ni Puyat Berna kasunod ng mga nadidiskubreng iregularidad sa DOT na kinasasangkutan ng mga dating opisyal.

Nabatid rin na habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagpapakita si De Castro sa tanggapan ng DOT.

Hindi rin umano mahagilap si Assistant Secretary Arlyn Mangcao na kasama ni De Castro sa bids and awards committee ng kagawaran, ayon sa source ng Abante na insider sa DOT.

Nakatakda rin umanong ungkatin ang pagbiyahe ni De Castro at mga staff kabilang si Evangelista sa launching ng ‘Bring Home a Friend’ sa Amerika, Canada, London at Seoul.

Kasama rin sa sisilipin ang ginastos sa pag-imbita sa mga nanalong 2017 Miss Universe para sa mga photo op ng ‘World Strongest Man’ noong Mayo nitong ng kasalukuyang taon.

Tinangka namang kunan ng pahayag ang ­kampo ni De Castro sa mga ibinabatong ­alegasyon laban sa kanya pero nabigo ang Abante na makuhanan ito ng reaksyon.