Una sa Balita

PINULBOS NG AIR STRIKES

By , ,
0 5

Naglunsad ng surgical air strikes sa tatlong barangay sa Marawi City ang Armed Forces of the Philippines para atakihin at pulbusin ang nasa 30 hanggang 40 pang natitirang terorista na kasapi sa Maute Group bilang bahagi ng ikatlong araw na pinatinding operasyon sa lugar.

Ayon kay Lt. Col. Jo-ar Herrera, spokesperson ng AFP, 1st Infantry Division, sinabi nito na “very deliberate, very precise” ang pagpapasabog na inilunsad kahapon sa mga barangay ng Gadongan, Basak Malutlut at Bangon para sa pagtaboy at pagsugpo ng Maute Group sa lugar.

“We are conducting clearing operations in three barangay. We have sightings of the remnants of the local terrorist group,” pahayag ni Herrera.

“They are still here but we are flushing them out. We are flushing them out,” pahayag pa ng opisyal.

Pero siniguro naman ni Herrera na pinagsabihan na nila ang mga residente sa lugar na lumikas na bago sila maglunsad ng pambobomba.

Casualties lalong lumobo

Mahigit sa isang dosena na ang kumpirmadong patay sa atake ng Maute, kabilang dito ang 9 na mga Kristiyano na kahapon lamang nadiskubre ang mga bangkay. Nabatid na binihag ng Maute Group ang mga ito sa isang checkpoint kamakalawa at saka itinali ang mga kamay sa kanilang likuran at niratrat sa talahiban.

Inamin din ng militar na mahigit sa 3-dosena na ang kanilang casualties sa labanan at patuloy pa rin kahapon ang sagupaan sa Marawi na mistulang ghost town sa kasalukuyan, habang tuluy-tuloy rin ang paglikas ng mga sibilyan patungong Iligan at Cagayan de Oro at Lanao del Sur.

Sa panig ng pulisya, 2 sa kinilalang napatay ay sina Sr. Insp. Edwin Placid at Sr. Insp. Freddie Solar.

Limitado pa rin ang impormasyon na inilalabas ng militar at pulisya sa Mindanao at inginunguso ang Camp Crame at Camp Aguinaldo na siyang dapat magbigay ng impormasyon sa media.

Sunog na rin ang maraming building sa Marawi at kabilang dito ang headquarters ng pulisya na inabandona ng mga parak at makikita roon ang isang bandera ng ISIS. Maging ang city jail at Dansalan College at isang cathedral ay sinunog din, kabilang ang ilang mga kabahayan.

Isnilon Hapilon, nasa Marawi pa

Kinumpirma ng militar na nananatili sa Marawi City si Isnilon Hapilon, ang leader ng Abu Sayyaf terror group na kilalang namumuno sa Islamic State sa bansa at sa buong Asean region.

“Based on information from communities, it was sighted that he is still here, that’s why his group is still here,” pahayag ng opisyal.

“Nag-iingat po tayo. Ang mga sundalo, ingat din na ‘wag magkaroon ng collateral damage. We’re very thankful na sa record namin, wala pang collateral damage,” wika pa ni Herrera.

Peace talks tagilid

Umapela kahapon ang rebeldeng Moro Islamic Liberation Front na lumagda sa isang interim peace agreement sa pamahalaan noong 2014, na dapat ay masigurado ng gobyernong Duterte na hindi maaapektuhan ng Martial Law ang ceasefire ng dalawang grupo sa Mindanao.

Ang panawagan ay sa kabila ng operasyon ng militar laban sa Maute jihadist group na umatake sa Marawi City sa magulong lalawigan ng Lanao del Sur. Kinondena rin ng MILF ang naturang atake na kung saan ay marami ang pinatay ng ISIS-affiliated Maute Group.

Rule of Law paiiralin

Inatasan ng pamunuan ng Department of National Defense (DND) ang Armed Forces of the Philippines na tiyakin ang pagpapairal ng “rule of law” at pagtataguyod ng karapatang pantao sa pagpapatupad ng Martial Law ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao.

Travel warning ng US

Naglabas ng travel advisory ang US Embassy sa Maynila para sa kanilang mga mamamayan kaugnay ng patuloy na nangyayaring bakbakan ng mga sundalo ng pamahalaan laban sa Maute Group sa Marawi City.

Ayon sa embahada, bagama’t wala pang natatanggap na impormasyon na may direktang banta sa mga Amerikano ang mga nagaganap na sagupaan sa Marawi ay nais makatiyak ng US Embassy na ligtas ang mga mamamayan nito.