Una sa Balita

Pinoys sa Chile, ligtas sa 6.9 magnitude na lindol

By
0 4

Walang Filipino na nasawi o nasugatan sa nangyaring malakas na paglindol sa bansang Chile kamakalawa ng gabi.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) base sa ipinadalang ulat ng Philippine Embassy sa Santiago, Chile ay walang impormasyong nangga­ling sa Filipino community na may nasaktan o nasawi sa nasabing lindol.

Tiniyak ng DFA na masusing nagsasagawa ng monitoring ang Pilipinas kasunod ng nangyaring magnitude 6.9 na lindol sa Valparaiso.

“The Philippines is closely monitoring the situation in Chile after a 6.9 earthquake struck in Valparaiso. The Philippine Embassy in Santiago is in constant communication with the Filipino community in the country and has received no report of injuries or casualties of Filipinos,” ayon sa kalatas ng DFA.

Apela ng DFA sa mga Filipino, agad na maki­pag-ugnayan sa mga tauhan ng embahada sa Felix de Amesti No. 367 Las Condes, Santiago, Chile o tumawag sa telepono bilang (+562) 2208-1313; 2208-1939 Emergency No.: (+569) 9427-20320 at Hotline No.: (+562) 2228-1670 at maaari ring mag-email sa santiago.pe@dfa.gov.ph / embassyphil@vtr.net / embafilsantiago@vtr.net.

Ayon sa US Geological Survey, tumama ang sentro ng lindol sa lungsod ng Valparaiso na may lalim na 20.5 kilometro dakong alas-9:38 ng gabi.

Agad na pinalikas ang mga residente malapit sa karagatan dahil na rin sa panganib ng tsunami matapos ang pagyanig.