Una sa Balita

Pinoys na nasaktan sa Barcelona terror attack, 6 na

By
0 1

Tatlo pang Filipino ang nadagdag sa listahan ng mga nasaktan sa naganap na terror attack sa Barcelona, Spain nitong Agosto 17 na ikinasawi ng 13 katao at nag-iwan ng may 100 sugatan.

Si Adam Yambao at ang kanyang nobyang si Jelly May Judan, kapwa nakabase sa Milan, Italy, ay bumibili ng mga souvenirs sa Las Ramblas Barcelona nang managasa ang isang van sa mataong lugar sa siyudad.

“Ako po ay nahagip ng furgone (van) at ‘yung girlfriend ko naman po nabagsakan at naipit ng bakal,” paliwanag ni Yambao. 

Si Yambao ay nagkaroon ng foot injury habang si Judan ay nagtamo naman ng mga gasgas sa kamay at leeg. Agad nilang ini-report ang insidente sa Spanish police subalit nabigo silang humingi ng tulong sa Philippine Honorary Consulate sa Barcelona.

Labis ang kanilang pasasalamat sa tulong ng isang babaeng Spanish at ngayon ay nakabalik na sila sa Milan.

Isa pang biktima na si Jumarie ‘Jom’ Cadman, na kinilala ng British newspaper The Telegraph, na isang ina mula sa Pilipinas, ay kasalukuyang naka-confine sa intensive care unit sa Hospital de Vall d’Hebron. Grabe umano ang kanyang kalagayan subalit nasa stable condition na ito at nabisita na umano ng mga opisyal ng British at Filipino Consular na inaalam pa kung siya’y isang British-Australian-Filipino citizen.

Kumakalat naman ang larawan ng anak ni Jom na si Julian sa Facebook matapos mawala ang 7-anyos matapos itong mahiwalay sa kanyang ina nang maganap na pang-aatake.

Nauna rito, napaulat na tatlong miyembro ng Filipino family na may hawak na Irish Passport ay kapwa ligtas na sa panganib.