Una sa Balita

Pinoy sa US Army, patay sa bomba sa Afghanistan

By
0 472

WASHINGTON D.C. – Hindi na nakaligtas sa kanyang ika-apat na combat deployment sa Afghanistan ang Ilokanong US Army green beret na si Staff Sergeant Reymund Transfiguracion mula sa 3rd Batta­lion, 1st Special Forces Group ng US Army. 

Kinumpirma ng US Defense Department ang pagpanaw nito sa ospital sa Afghanistan nitong linggo.

Malubhang nasugatan si Transfiguracion matapos na sumabog ang isang improvised explosive device malapit sa kanya habang nagpapatrolya ito sa Helmand province.

Nadala pa sa hospital si Transfiguracion pero dahil sa tindi ng tinamo nitong sugat ay namatay din ito.

Ipinanganak sa Sarrat, Ilocos Norte noong 1982, nag-enlist si Transfiguracion sa US Army noong 2001 sa Hawaii bilang National Guard.

Noong 2005, kasama siya sa Operation Iraqi Freedom at Operation Enduring Freedom na nagpabagsak kay Iraqi president Saddam Hussein.

Noong 2010 hanggang 2011, na-assign siya sa Pilipinas bilang support sa joint Special Operation Task Force.

Dahil sa kanyang dedikasyon bilang sundalong Amerikano ay pinarangalan siya ng Bronze star, The Purple Heart at Meritorious Service Medal.

Nagpaabot na ng pakikiramay ang US Defense Department sa pamilya Tranfiguracion habang natakdang ibalik ang mga labi nito sa Waikoloa, ­Hawaii.