Una sa Balita

Pinoy sa Japan at SoKor inalerto sa missile attack

By ,
0 3

Pinakilos ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga diplomats sa bansang Japan at South Korea na isailalim sa maigting na monito­ring ang mga Filipino sa nasabing mga bansa kaugnay sa panibagong missile launch ng North Korea.

Ayon kay DFA spokesperson Robes­pierre Bolivar, sinabi nito na agad nagpalabas ng kautusan si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na pag-aralan at i-update ng embahada at konsulado ng Pilipinas sa Japan ang kanilang contingency plans upang madali silang makaresponde kung kinakailangan.

Isinaayos na rin umano ng Philippine Embassy sa Japan at Konsul General sa Osaka ang mga impormasyon tungkol sa mahigit 240,000 Pinoy na naroon sa Japan upang madaling ma-update sa mga pangyayari.

Mas pinaigting na rin umano ang koordinasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa Japanese at South Korean government upang masiguro ang kaligtasan ng mga Pilipino kaugnay sa banta ng North Korea.

Sa kabila nang pagka­bahala ng gobyerno ng Pilipinas sa panibagong missile test ng Pyongyang, walang dahilan upang mag-panic ang mga Pinoy sa Japan.

Pinayuhan na lamang ni Bolivar ang mga Pinoy sa mga apektadong bansa na manatiling mag-mo­nitor sa mga pangyayari sa kanilang lugar at makipag-ugnayan agad sa embahada ng Pilipinas kung nangangailangan ng tulong at paglilikas.

Samantala, aminado ang gobyernong Duterte na hindi nila kayang protektahan ang bansa sakaling maapektuhan ang bansa sa missile attack ng NoKor.

Sa Mindanao Hour kahapon sa Malacañang, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na walang air raid shelters at underground bunkers ang bansa tulad ng ginamit ng Amerika noong Cold War.

Dasal na lamang umano ang pwedeng gawin ng bansa upang hindi maapektuhan ng ginagawa ng NoKor.