Una sa Balita

Pinoy kid patay sa Barcelona terror attack

By
0 5

Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na binawian na ng buhay ang isang 7-anyos na batang lalaki na Filipino na kabilang sa 14-katao na nasawi sa pag-atake ng teroristang grupo sa Barcelona, Spain kamakailan.

Ito ang sinabi ni DFA Sec. Alan Peter S. Cayetano kung saan natagpuan na ang nasabing paslit na una nang iniulat na nawawala matapos ang nasabing pag-atake ng Islamic State.

“It pains us to break the sad news to our kababa­yans that we lost one of our own in the recent violence unleashed by extremists against the innocent in Barcelona,” sabi ni Cayetano.

“We join the loved ones of our little bro­ther in mourning his ­passing and in praying for the eternal repose of his soul,” dagdag pa nito.

Kaugnay nito, inatasan ni Cayetano si Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola na tiyakin na maabutan ng kaukulang tulong ang pamilya ng nasabing paslit.

Ayon kay ­­­Chargé d’Affaires ­Emmanuel Fer­nandez, ipinarating ng Philippine ­Embassy sa Madrid ang pagkaka­kilanlan ng paslit matapos na kilalanin ito ng ilang kaanak kasama ang 43-anyos na ina nito na nananatili sa intensive care unit (ICU) makaraang magtamo ng bali sa magkabilang paa at braso.

Samantala, nasa maayos nang kondisyon ang dalawa pang Filipino kasama ang isang babae na nakabase sa Italy nang sagasaan ng isang van ang mga turista sa Las Ram­blas tourist district.

Habang ang apat na Irish citizens na may dugong Filipino ay patuloy na inoobserbahan sa Hospital Del Mar sa Barcelona at inaalalayan ng embahada at ng Honorary Consulate sa Barcelona.