Una sa Balita

Pinoy hari uli ng SEA Games

0 409

DALAWANG araw bago tuluyang magsara ang ika-30 edisyon ng Southeast Asian Games, halos nakasisiguro na ang host Team Pilipinas sa ikalawa nitong pangkalahatang korona sa ginaganap na kada dalawang taon na multi-sports na torneo.

Apat na gintong medalya ang idinagdag Linggo ng umaga ng mga pambansangg atleta upang kolektahin ang kabuuang 93 ginto, 70 pilak at 75 tanso para sa kabuuang 238 medalya tungo na sa krusyal na dalawang huling araw ng aksiyon.

Ikalawa ang Indonesia na may 61-54-69=184 (ginto-pilak-tanso=total) habang nasa ikatlo ang Vietnam (50-53-65=168). Ikaapat ang Thailand na may 43-59-62=164 at ikalima ang Singapore (37-30-45=112).

Kabilang ang Philippine Blu Girls sa mga nag-ambag ng gold medal sa Pilipinas kahapon nang walisin ang Indonesia, 8-0 sa finals.
Pang 10th-crown ng Blu Girls ito sa biennial meet, tumikada sila ng six-game sweep.

Agad na nagwagi ng 21 ginto ang Pilipinas sa unang araw pa lamang ng kompetisyon noong Diyembre 1 upang simulan ang maigting nitong kampanya para sa pangkalahatang liderato na huli nitong naiuwi noong 2005 sa ikatlong pagho-host ng bansa sa pangrehiyong torneo.

Gayunman, ayaw munang magselebra nang maaga ni Phili­ppine Sports Commission (PSC) Chairman at Team Pilipinas Chef de Mission William ‘Butch’ Ramirez, na siya rin namuno sa naganap na ‘Miracle of 2005’ hanggang hindi natatapos ang pinakahuling pinag­lalabanang event.

“Wala pa ‘yan hanggang hindi pa tapos. Let’s give all the accolade to our national athletes,” sabi ni Ramirez.

Inaasahang bubuhos pa ang mga gintong medalya sa huling­ dalawang araw ng torneo na magmumula sa combat sports tulad ng boxing, jiujitsu, BMX cycling, athletics at taekwondo. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy