Una sa Balita

Pinoy family, nadale sa Barcelona terror attack

By ,
0 4

Kinondena ng Pilipinas ang nangyaring terroristic attack ng Islamic State (IS) sa Barcelona, Spain na ikinasawi ng 13-katao at ikinasugat ng mahigit sa 100 iba pa kabilang ang apat na miyembro ng isang pamilya na pawang mga Filipino descent.

Sa inilabas na kalatas ng Department of Foreign Affairs (DFA), nakikiisa ito sa international community sa pagkondena sa panibagong pag-atake ng teroristang grupo at nagpahatid ng pakikiramay sa Spanish government.

“The Philippines condemns in the strongest terms this disturbing act of terror perpetrated by extremists against innocent men, women and children in Barcelona,” sabi ni DFA Secretary Alan Peter S. Cayetano.

“We stand in solida­rity with the people of Catalonia and all of Spain and the rest of the world as we fight this common scourge,” dagdag pa nito.

Base sa ipinadalang impormasyon ng Philippine Honorary Consul sa Barcelona, nangyari ang pag-atake nang sagasaan ng isang van na minamaneho ng dalawang Morrocan national ang mga sibilyan na mamamasyal sa Las Ramblas tourist district sa Barcelona.

Kasabay nito, nilinaw ni DFA Asst. Sec. Robes­pierre Bolivar, na ang iniulat na mga Filipinong kabilang sa sugatan ay pawang mga Irish citizens.

Tumanggi ang DFA na kilalanin ang apat na Irish family na mayroong Filipino descent subalit binisita na ng Philippine Honorary Consulate ang mga ito sa ospital upang alamin ang kalagayan ng mga ito.

Dinagdag pa ng DFA na base sa ulat ni Honorary Consul Jordi Puig Roches, nakalabas na ng ospital ang magulang at anak nito samantalang nasa kritikal na kondisyon ang ama ng tahanan at isang pang anak na lalaki.

Sa tala ng Philippine Embassy sa Madrid at ang Honorary Consulate sa Barcelona, nasa 20,000 Filipino ang nakatira sa Barcelona.

Nagpahayag rin ng pakikiramay ang Malacañang sa nangyaring pag-atake sa Barcelona.

“Our hearts and prayers go out to the families and loved ones of the innocent victims who perished and those who got injured in Barcelona,” paghahayag ni Presidential spokesperson Ernesto Abella kahapon.

“We are one with the peace-loving people of the international community in condemning this latest attack in Spain on Thursday that left at least 13 people dead and injured more than 100 others,” dagdag pa ni Abella.

Sinabi ni Abella na ang DFA sa pamamagitan ng Philippine Embassy sa Madrid at Honorary Consulate sa Barcelona ay masusing tumututok sa sitwasyon.

Nakipag-ugnayan na rin aniya ang mga awtoridad at lider ng Filipino community sa Barcelona sa mga biktima ng pag-atake.