Una sa Balita

Piñol butata sa rice smuggling

0 361

BINUTATA ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pahayag ni Department of Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na gawing ligal na lamang ang rice smuggling sa mga lalawigan ng Zamboanga, Basilan, Sulu at Tawi-Tawi dahil na rin sa nararanasang krisis sa suplay ng bigas sa mga nasabing lugar.

Ipinahayag ng Pa­ngulo bago umalis patungong Israel at Jordan na mas makabubuti pa na mag-angkat na lamang ng bigas kaysa gawing ligal ang pagpupuslit nito sa bansa.

Binigyang-diin ni Pangulong Duterte na malaking pinsala ang idudulot sa ekonomiya ng Pilipinas kapag pinayagan na maging ligal ang rice smuggling.

Samantala, hindi naman pinatulan ng Pa­ngulo ang panawagan ng mga kritiko na sibakin sa puwesto si Piñol dahil sa nais nitong gawing ligal ang rice smuggling.

Wala aniyang dahilan para sibakin sa kanyang puwesto si Piñol sa kabila ng pahayag nito pabor sa ligalisasyon ng rice smuggling.

Nagbabala rin ang Pa­ngulo na kanyang sasala­kayin ang mga bodega ng mga rice trader kapag nadiskubreng may ‘artificial scheme’ na ginagawa na nagiging dahilan ng krisis sa bigas sa Mindanao.

Hindi aniya siya magdadalawang-isip na gamitin ang kanyang kapangyarihan bilang pangulo at aatasan ang militar at pulisya na sa­lakayin ang mga bodega.