Mga politiko tiba-tiba na naman

Ping talunan, P46B road pork ni Villar ibinalik

Nangibabaw ang impluwensiya ng mga politiko na naglalaway sa pork barrel na nakasiksik sa right-of-way budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa susunod na taon.

Inanunsyo kahapon ni Davao City Rep. Karlo Nograles na napagkasunduan ng dalawang kapulungan ng Kongreso matapos ang ilang araw na pag-uusap ng bicameral conference committee na sa halip na P50 bilyon ang itapyas sa budget ng tanggapan ni DPWH Secretary Mark Villar katulad ng iminungkahi sa Senado ay bawasan na lamang ito ng P4 bilyon.

Ang P50 billion budget cut sa DPWH ang isa sa mga hindi mapagkasunduan ng dalawang kapulungan matapos na tutulan ito ng ilang senador at kongresista dahil tatamaan ang kanilang mga proyekto na nakasiksik sa pondong inilaan ng DPWH para sa right-of-way.

Si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson, vice chairman ng Senate committee on finance, ang pangunahing nagsusulong para tapyasan ang budget ng DPWH dahil sa hindi maresolbang isyu tungkol sa right-of-way.

Una nang nanindigan ang senador na ipaglalaban niyang bawasan ang napakalaking pondo na hinihingi ng DPWH para sa right-of-way matapos na kuwestiyonin nito kung bakit panay ‘John Does’ at ‘Unknown’ ang nakasaad sa listahan ng mga clai­mant na babayaran ng kagawaran.

Ipinunto pa ni Lacson na ang isyu sa right-of-way ang dahilan ng napakalaking pondo ng DPWH ngayong taon na hindi pa nagagamit.

Inihayag din ni Lacson kamakalawa na nag-usap na sila ni Villar at nagpasalamat pa ito sa kanya dahil sa pagbubunyag niya ng pork barrel na siniksik sa budget ng DPWH para sa mga proyekto ng ilang kasamahang mambabatas sa Senado at Kamara.

Gayunman, nawalan ng saysay ang ipinaglalaban ni Lacson na linisin sa mga siniksik na pork barrel ang 2018 national budget na kanyang nasilip sa panukalang pondo ng DPWH.

Mistulang pinagbigyan lamang siya ng ibang mambabatas sa pakunsuwelong P4 bil­yong tapyas sa budget ng DPWH.

SHARE