Una sa Balita

Ping sa mga heneral na nagsingit kay Jovie sa narco-list: Mag-sorry kayo kay Espenido!

0 898

HINILING ni Senador Panfilo Lacson sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na mag-sorry kay Police Lt. Col. Jovie Espenido kung ang pagkakasama nito sa narco-list ay base sa lumang listahan ng mga sangkot sa iligal na droga.

Ayon kay Lacson, chairman ng Senate committee on national defense and security, nilinis na ang pa­ngalan ni Espenido sa lumang narco-list kaya hindi makatarungan na kaladkarin ang pangalan nito sa ginagawang pagpurga ng liderato ng PNP sa mga narco cop.

“Kung ang naging basehan ng PNP nga tulad ng sabi ko ay sa Albuera noong 2016, nagkaroon ng resolution as early as May 2017, ang sinasabing pagkasangkot niya, at cleared na siya roon, in-­exclude ang kanyang pangalan. So dapat, i-correct ng PNP at kung ‘yan ang naging dahilan, at least magpaumanhin sila o kaya i-correct kaagad sa record nila para maging fair kay Lt. Co. Espenido,” wika ng senador sa interview ni Cely Bueno ng himpilang DWIZ kahapon.

“Pero kung bagong report ito sa kanyang pagkatalaga sa Bacolod, ibang usapan ‘yan. Meron dapat ipaliwanag si Espenido. Pero sa kanyang sari­ling paliwanag sa akin ‘yan ang naging basehan ng kanyang pagkasama sa narco-list, ang 2016 pa, ang luma,” dagdag ni Lacson.

Matatandaan na tinanggal si Espenido bilang deputy chief for operations at head ng drug enforcement units ng Bacolod City Police Office.
Naging tauhan ni Lacson si Espenido sa PNP kaya alam niya ang likaw ng bituka ng opisyal.

“Noong kasama ko siya, PO1 pa lang siya noon, ang talagang pagkakilala ko sa kanya, lumalaban ito pagka alam niyang tama siya at integridad niya at dedication sa kanyang tungkulin ‘di talaga ma­tatawaran. ‘Yan ang aking personal experience,” ayon pa sa dating PNP chief noong rehimeng ­Estrada.

Nilinaw naman ni Lacson na hindi niya minamaliit ang narco-list ng PNP, kundi gusto lang niyang maliwanagan kung bago o luma na ang ibini­bintang kay Espenido.

“Hindi matawaran ang pag-include mo sa ­narco-list, dumadaan ‘yan sa pag-aaral at pakikipag-­coordinate sa iba’t ibang intelligence unit, hindi lang PNP kundi pati PDEA, minsan pati ISAFP napapasama sa discussion. Ito ang tinatawag na intelligence workshop,” ani Lacson.

“Kaya nga dapat mapaliwanag kung naging basehan sa pagka-include niya sa pangalan ang sinasabi ni Espenido sa akin na ang 2016 report, o panibagong report na naganap nitong 2019 o 2020. Ibang usapan ‘yan at wala akong information tungkol doon except na ang basehan ko, kaya naniniwala ako kay Espenido dahil nakasama ko siya ‘yan ang pagkakilala ko,” paliwanag pa ni Lacson.

Ipinagtanggol na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte si Espenido, ang itinuturing na “poster boy” ng kanyang kampanya laban sa iligal na droga.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More