Una sa Balita

Ping pinasabog ang baho ni Duque

0 353

PINASABOG ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang anomalyang kinasasangkutan ni Health Secretary Francisco Duque III at ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na kanyang pinamumunuan.

Ayon kay Lacson, nagsilbing hamon sa kanya ang mga pahayag ni Duque na wala itong bahid ng katiwalian para busisiin ang iba pang transaksyon sa PhilHealth.

Sa Kapihan sa Senado, isiniwalat ng senador ang kanyang natuklasan na umuupa ang Regional Office 1 ng PhilHealth sa gusali na pag-aari ng pamilya ni Duque sa Tapuak District sa Dagupan City.

“If this is not conflict of interest. I don’t know what it is. Buildin­g mo, naka-contract of lease ka and this is family business, signatory is his own sister. Sarili mong buildin­g, pauupahan mo sa PhilHealth na ikaw ang chairman of the board,” banat ni Lacson.

Naniniwala rin ang senador na nakabaon na sa sistema ng PhilHealth ang katiwalian kung saan batay sa kanyang mga impormasyon kabuuang P254 bilyon na ang nanakaw ng mga tiwali sa ahensya.

Natuklasan din ni Lacson ang iregularidad na kinasasangkutan ng Perpetual Succor Hospital sa Cebu hinggil sa modus ng extension ng confinement ng isang member.

Sa impormasyon ng senador, noong Enero 10, naglabas ng kautusan ang PhilHealth na pirmado ng board kasama si Duque na sinusupinde ang pagamutan bilang kanilang accredited hospitals na kinatigan din ng Court of Appeals.

Subalit, nang umapela ang pagamutan sa PhilHealth ay binawi ang kautusan.
“How could the PhilHealth reverse the decision of the Court of Appeals,” tanong pa ni Lacson.

Nauna nang inungkat ni Lacson ang anim na bilyong pisong pondo na ipinag-utos ni dating Pangulong Gloria Arroyo na ilaan para sa pamamahagi ng PhilHealth ID ng mahihirap.

Ang pondo ay magmumula sana sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) subalit hindi pa ito nai-release kaya’t in-advance na lamang ng mga opisyal ng PhilHealth sa kanilang pondo at ginamit pambili ng mga sasakyan.

“Papasok na tayo sa batas na ipinasa ni Sen. JV (Ejercito) na advocacy rin ni Pangulong Duterte. P257b ang requirement for this year, ipagkakatiwala ba natin sa Philhealth? If not exposed eh ‘di tuloy-tuloy ang ligaya ng PhilHealth. We must be on guard in our own little way,” diin pa ni Lacson
“I am conducting investigation not only against Sec. Duque, ang nakakainis lang alam mo nang may mali ka na, nag-iipokrito ka pa,” dagdag nito.

Samantala, inalmahan naman ni Duque ang alegasyon ni Lacson na mayroon siyang gusali sa Pangasinan na.pinarerentahan niya sa PhilHealth.

Sa panayam kay Duque, ipinaliwanag niya na inabutan na niya ang kontrata sa PhilHealth noong 2015 na pinirmahan ng kanyang kapatid na si Atty. Gonzalo Duque.

Inamin naman ni Duque na noong i-renew ang kontrata noong 2016 ay siya ang pumirma bago pa siya ini-appoint ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang kalihim ng DOH.

Wala na umano siya sa gobyerno nang pumirma siya ng kontrata dahil nagretiro na siya noon.

“Disadvantegous sa amin nga ‘yung kontrata P300,000 a month lang iyon e malaki naman ang building,” ayon.kay Duque.

Bukod pa na sa hanggang Disyembre 2019 na lamang ang kontrata dahil ayaw na ng kapatid niyang si Dulce na paupahan ito dahil gagamitin na sa paglalagay ng laboratory.

“Alam ko naman kung anong sasabihin ni Lacson may conflict of interest hindi naman kaagad puwedeng palayasin ‘yun saan mag-ooposina ang daang emple­yado ng PhilHealth, paano ang mga transaksiyon ng publiko,” ayon pa kay Duque. (Dang Samson-Garcia/Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy