Una sa Balita

Pineke ang pirma ng witness sa deed of sale

0 571

Dear Atty. Claire,

Itatanong ko lang po ano ang mangyayari kapag pineke ang pirma ng witness sa Deed of Sale? Kasi may binili ka­ming lupa at nagpagawa kami ng Deed of Sale at ito’y ipinaubaya na namin sa may-ari ng lupa ang pag-aasikaso ng Deed of Sale. Siya na ang nagpanotaryo. Ngunit noong binigay niya sa amin ang copy namin nakita ko na iba ang pirma ng witness compared doon sa draft na kasulatan. Peke ang pirma at nakumpirma namin ‘yung may-ari lang pala ng lupa ang nagpirma doon hindi ‘yung mismong nakasulat na pangalan. Ano po ang puwede naming gawin? May balanse pa kami at ang sabi namin ‘di namin siya babayaran hangga’t ‘di maayos ang Deed of Sale. Kasi malinaw ang usapan namin na babayaran namin siya nang buo kapag naayos na ang kasulatan. Tapos nong nagkaharap kami at nagkausap ang dami niyang dahilan hanggang sa nasabi niya na ibabalik niya ang pera namin bigyan lang siya ng palugit. Paano pag hindi niya naibalik ‘yung pera namin? Ano ang puwede naming gawin? Puwede ba kaming magsampa ng kaso?

Ariane
Ms. Ariane,

Kung peke man ang pirma ng isang witness ay hindi ito makakaapekto sa ligalidad ng Sale ninyo dahil sa ang tunay na may-ari naman ay pumirma at sinasabi sa Deed of Sale na binebenta niya ng kusang-loob ang ari-arian sa inyo.

Sa totoo lamang ay hindi pa nga obligadong maggawa ng isang Deed of Sale dahil may kulang ka pang babayaran sa kanya. Kaya dapat lamang na isang Contract to Sell lamang ang kanyang ginawa pabor sa inyo.

Ngayong umaayaw na siya sa kasunduan ng pagbebenta ay dapat lamang niyang ibalik ang naibayad ninyo. Kapag hindi niya naibalik ay maaari kayong sumulat sa seller at ipabatid ang nais ninyo, Kung itutuloy o ipapawalang-bisa ang bentahan. Kapag napagpasyahan ninyo na ipatuloy ay dapat ninyo siyang bayaran nang buo kapalit ng paggawa ng DEED OF SALE na magkakaharap kayo pati ang witness sa harapan ng isang notaryo publiko. Kung ayaw ng seller ay maaari kang magsampsa sa korte para sa ‘specific performance with dama­ges’ para utusan siyang gawin ang napagkasunduan.

Kung nais namang ipawalang-bisa ito ay sabihin din ang nais at kapag hindi nagkasundo ay magsampa ng kaso sa korte upang mapawalang bisa ang bentahan (rescission of contract with da­mages) upang makuha na lahat ng naibayad at mga danyos na na­tamo ninyo.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy