Una sa Balita

Pinay USAF jet fighter pilot nangabog

0 501

NAMAMAYAGPAG sa United States Air Force (USAF) ang isang 33-anyos na Pilipina na kauna-unahang nakapagpalipad ng Supersonic F-16 Fighting Falcon fighter jet at sumabak sa mga combat mission sa Iraq.

Nabatid na ang F-16 Fighting Falcon o mas kilala sa tawag na Viper ay isang high-performance weapon system sa US at ng iba pang kaalyadong bansa at ginagamit sa air to air combat at maaari lamang patakbuhin ng isang highly qualified pilot tulad ng Pilipina na si Capt. Monessa Catuncan.

Si Catuncan ay bunsong anak ng mag-asawang Pinoy immigrants na taga-Pasay City at Olongapo City na nakabase sa Mesquite, Texas.

Noong high school ay nakuha ni Monessa ang atensyon ng coast guard na nag-imbita sa kanya noong 1999 para maging helicopter pilot.

Pumasok si Monessa sa Connecticut ng dalawang linggo hanggang maramdaman niya na hindi siya interesado na magpalipad ng mga helicopter at ang gusto niyang paliparin ay isang fixed wing aircraft.

Nabatid na pagkatapos ng high school ay nag-enroll si Monessa sa United States Air Force Academy (USAFA) sa Colorado Springs at nag-major ng aeronautical engineering.

Tulad ng kanyang mga kasama, sumailalim si Monessa sa undergraduate pilot training (UPT) bago naging fighter pilot.

Bukod sa adhikain, naging bahagi ng US Air Force at nagsilbing Squadron commander, Division-1 tennis player, Glider Instructor Pilot, at miyembro ng Glider Acrobatic Team, si Monessa ay nagtapos noong 2004 sa kursong Bachelor of Science degree in Astronautical Engineering sa USAFA.

Naging top student pilot si Mo­nessa sa kanyang klase at napili na magpalipad ng fighter o bomber aircraft.

Nabatid na pagkatapos ng kanyang kurso, pumunta si Monessa sa Laughlin Air Force Base sa Del Rio, Texas at Sheppard Air Force Base sa Wichita Falls para magpalipad ng T-38.

Sa kanyang training, natutunan ni Monessa ang basics ng formation flying, offensive at defensive fighter maneuvering, at surface attack bombing techniques.

Mula sa pagpapalipad ng T- 38, may opsyon rin siya na magpalipad ng iba’t ibang aircraft tulad ng F-15E Strike Eagle, F-15C Eagle, F-16 Fighting Falcon, B-1B Lancer, A-10 Warthog, B-52 Stratofortress, F/A-22 Raptor, at T-6 o T-38.

Nang matapos ang T-38 course ay hiniling kay Monessa na magpalipad ng F-16 Falcon.

Hinasa pa ni Monessa ang kanyang kaalaman sa pagpapalipad ng mga fighter jet sa Luke Air Force Base sa Phoenix, Arizona kung saan niya natutunan ang magkontrol at taktika sa pagpapalipad ng F-16 Fighter Falcon.

Natapos ni Monessa ang kanyang course sa Luke Air Force Base ng may flying colors at naging bahagi ng ‘Lucky number 13’ graduate mula sa class 2007 at nag-iisang babae sa grupo.

Si Monessa ay nakumisyon bilang USAF second lieutenant noong 2004 at pagkatapos ng kanyang training bilang isang F-16 jet pilot ay ipinadala siya sa Iraq kasama ang 34th Fighter Squadron para suportahan ang US ground troops sa mga close air support mission.

Nitong 2019 ay ipinromote si Monessa bilang Capt. at itinalaga sa Hill Air Force Base sa Northern Utah.

Sa kanyang puso, taglay ni Monessa ang watawat ng Pilipinas sa kabila ng paglilingkod para idepensa ang US. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy