Una sa Balita

Pinay nurse pinatay sa bugbog sa Canada

0 1,134

New York — Patay na nang matagpuan ng mga pulis ang isang Filipina sa kanyang bahay sa Toronto, Canada.

Tadtad ng pasa ang buong katawan ang biktimang si Rhoderie Estrada, 41-anyos, may asawa at tatlong anak, na tubong-Mabini, Pangasinan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, rumesponde ang mga pulis dahil sa tawag sa 911 mula sa bahay ng biktima kung saan natagpuan ng mga pulis ang wala nang buhay na katawan ng biktima sa isang kuwarto sa loob ng bahay nito. Pinatay umano ng bugbog ang biktima batay sa mga marka sa katawan nito.

Ayon sa initial forensic report, posibleng pinatay ang biktima sa pagitan ng alas-10:00 nang gabi hangang alas-dos nang madaling-araw ng hindi pa nakikilalang salarin na posibleng pumasok sa bahay ng biktima.

Napansin ng mga imbestigador ang bukas na bintana na posibeng dinaanan ng suspek.

Isinailalim na sa finger print examination ang bahay ng biktima.

Ikinalungkot naman ng Filipino Community ang karumal-dumal na pagpatay kay Estrada.

Bukod sa pagiging nurse, nagmamay-ari din si Estrada at asawa nitong si Gerald Aquintey ng isang kilalang Filipino restaurant sa Toronto, Canada.

Inilunsad na ng Toronto Police ang malawak na imbestigasyon para agad na mahuli ang suspek.