Una sa Balita

Pinay nurse gagawaran ng British royal citation

0 594

ISANG Pilipina nurse ang nakatakdang tumanggap ng royal citation sa Inglatera dahil sa ­naging kontribusyon niya upang maisalba ang mga biktima ng London Bridge terror attack noong 2017.

Tatanggapin ni Joy Ongcachuy, 45-anyos, ang award bilang Officer of the Most Excellent Order of the British Empire (OBE) sa isang seremonya sa Buckingham Palace ngayong Abril 4.

Itinuturing naman ni Ongcachuy, tubong Tali­sayan, Misamis Oriental, na pinakamagandang regalo sa tanang buhay niya ang matatanggap na award.

Lumutang ang kagalingan sa trabaho ng Pinay nang isugod sa Royal London Hospital ang mga biktima ng terror attack noong gabi ng Hunyo 3, 2017.

Sinagasa ng van na sinasakyan ng tatlong terorista ang pedestrian sa London Bridge saka binunggo sa pader ng River Thames. Bumaba ang tatlong terorista at pinagsasaksak naman ang mga taong maabutan sa restaurant at sa Borough Market.

Napatay naman ng mga rumespondeng pulis ang tatlong terorista, pero nakapatay din sila ng walong katao at 48 sugatan na isinugod sa ospital na pinagtatrabahuan ni Ongcachuy.

Si Ongcachuy, Lead Robotic Nurse ng ospital, ay naka-night shift nang umatake ang mga tero­rista sa London.
Agad niyang tinawagan sa bahay ang mga off-duty na nurse nang magdeklara ng ‘major incident’ ang ospital.
Inabot siya ng alas-otso nang umaga sa pag-asikaso sa mga sugatan sa terror attack.

Makakapantay na ni Ongcachuy ang iba pang OBE awardee na tulad nina David at Victoria Beckham, Liam Neeson, Keira Knightley at Eddie Redmayne.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy