Una sa Balita

Pinay malimit ikulong ng employer sa Oman

By
0 17

Humihingi ng tulong sa gobyerno ang pamil­ya at asawa ng isang overseas Filipino worker (OFW) na nasa Oman sa Middle East na ma-rescue para makauwi na sa Pilipinas ang asawa dahil sa paulit-ulit na kinukulong ito ng kanyang mga employer.

Kahapon ay mismong humihingi ng tulong si Junix Talaugon, 25-anyos, taga-Tumbangco, Davao City sa tanggapan ng Blas F. Ople Policy Center kaugnay sa nararanasang buhay ng kanyang asawa na si Laika, 22, isang domestic helper sa Oman.

Base sa pahayag ni Talaugon, nakakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang asawa na si Laika na humihingi ng tulong dahil sa makailang beses na itong ikinukulong ng kanyang mga employer.

Labis ang pag-aalala ni Junix sa kalagayan at kaligtasan ng kanyang asawa kung sakali mang magkaroon ng insidente, tulad ng sunog, sa kanyang mga tinutuluyan habang siya ay iniiwang nakakulong ng kanyang mga amo sa loob ng isang kuwarto.

Sinabi ng asawa ng OFW na kasalukuyan nagtatrabaho ngayon ang kanyang asawa sa Moscat Oman na ang pangalan ng employer nito ay si El Farkh Halima.

Giit ni Junix na hindi nabibigyang pansin ang kalagayan ng kanyang asawa kaya’t napilitan siyang humingi ng tulong sa gobyerno na matulungan siya at ang kanyang asawa na nasa ibang bansa.

Ayon pa kay Junix, sinubukan na nilang mu­ling kausapin ang Phil Q Manpower Services, ang agency na may hawak kay Laika ngunit tumanggi na itong magbigay ng tulong at sinabing bahala na ang Fundamental Rights Agency (FRA) dito.

Dagdag pa nito na apat na buwan pa lamang nagtatrabaho si Laika sa nasabing bansa at noon buwan ng Pebrero ito umalis ng Pilipinas.

“Nag-alala na po ako sa kanya baka ano na po ang nangyayari sa asawa ko doon, dahil huling pag-uusap po namin sinabi niya na pinagseselosan na siya ng kanyang among babae.

Sana po matulungan ako ng gobyerno doon at mapauwi na ang asawa ko,” pahayag pa ni Junix sa pamamagitan ng pagtawag sa cell phone.

Pahayag pa ni Laika na naka-limang employer na siya simula nang umalis at makapagtrabaho sa nasabing bansa dahil sa hindi maganda ang trato sa kanya ng kanyang mga naging amo.

Ayon naman kay Susan Ople, kukunin nilang lahat ang impormasyon tungkol sa kalagayan ni Laika at makikipag-ugnayan sila sa Oman Embassy at sa OWWA sa Middle East para matulungan ang nasabing OFW.

Sinabi pa ni Ople, aalamin din nila kung ano ang puno’t dulo ng pagkakaproblema nito sa kanyang agency at gayundin sa kanyang mga naging employer. (Kate Aguilar)