Una sa Balita

Pinay kinatay ang asawa bago nagpakamatay sa Georgia

0 1,931

PINATAY muna ng isang Pinay ang kanyang asawa bago magpakamatay habang nasa labas ng kanilang bahay ang kanilang dalawang anak sa Forsyth County, Georgia, USA.

Ayon sa report, pinaslang umano ni Jackielyn Belangel Brewster, 32-anyos, ang kanyang 50-anyos na asawang si Adirian Brewster, bago siya nagpakamatay noong Lunes.

Noong Agosto 20, nagtungo ang mga pulis sa bahay ng mag-asawa sa North Forsyth County matapos tumawag ang isang kaibigan ng mga ito at humiling ng welfare check sa kanilang tahanan.

Nang dumating ang mga pulis, natagpuan sa loob ang wala nang buhay na sina Adrian at Jackielyn. Isinailalim sa awtopsiya ang mag-asawa.

Nadatnan naman ng mga pulis ang umiiyak na magkapatid sa loob ng bahay. Kinupkop ang mga bata, edad 9 at 3, ng kanilang mga kamag-anak.

Sabi ng mga kaibigan ni Jackielyn, biktima umano ito ng domestic violence. Nangangalap naman ngayon ang mga kaibigan ni Jackielyn ng $10,000 para mauwi ang kanyang labi sa Pilipinas.