Una sa Balita

Pinay dinukot, pinatay sa Ireland

By
0 937

Natagpuan ng mga pulis sa Ireland ang bangkay ng isang babae na pinaniniwalaan, na ang 24-anyos na estud­yanteng Pinay na dinukot malapit sa kanilang bahay noong Sabado.

Kinumpirma ng Gardai, ang national police ng Ireland, ang nakitang bangkay ng babae pero hindi pa maberipika kung ito nga si Jastine Valdez.

Si Valdez ay nakitang naglalakad patungo sa ka­nilang bahay sa Enniskerry, isang tourist village, nang sapilitang isakay umano sa sasak­yan ng isang lalaki dakong alas-6:15 nang hapon.

Kagagaling lamang niya sa part-time job sa kalapit na bayan ng Bray.

Kinagabihan ay inireport na ng mga magulang sa pulis na nawawala ang kanilang anak.

Sa isinagawang pag­hahanap ng Irish police sa Nissan Qashqai SUV na ginamit sa pagdukot kay Valdez, nakita itong nakaparada sa Cherrywood Industrial Estate ng Enniskerry noong Linggo.

Nanlaban umano ang suspek na nakilalang si Mark Hennessy, 40-anyos, building contractor mula sa Bray at may dalawang anak, kaya binaril at napatay ito ng mga pulis.

Nitong Lunes naman nakita ang bangkay ni Valdez malapit sa isang minahan sa Rathmichael, dakong timog ng Dublin.

Ikinalungkot ng Filipino community sa Ireland ang nangyari kay Valdez na noon lang 2015 lumipat ng Ireland at nag-iisang anak nina Danilo at Tess Valdez na isa nang Irish citizen.

Nag-aaral ng accountancy ang biktima sa Institute­ of Technology Carlow at nagtatrabaho ng part-time sa restaurant sa Bray, County Wicklow.

Naalala pa ni Bernard Cawley, 57, mula sa Exe­cutive Dry Cleaners, na regular nilang customer si Valdez.
“She’s very, very friendly, always smiling­ and laughing. She’s a lovely girl and always brings a smile to your face. everyone is absolutely in shock and devastated by what’s happened.”

Ikinalungkot din ni Joe O’Bryne, isang retired local man, ang nangyari kay Valdez na lagi niyang nakikitang naglalakad sa village na bagama’t mahiyain ay palagi namang nag-iiwan ng matamis na ngiti sa mga taong nakakasalubong.

Nagpahatid naman ng pakikiramay si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Alan Peter Cayetano sa pamilya Valdez.

“We grieve with the loved ones of Jastine Valdez, someone so young and so full of promise, who was suddenly taken away from them. We join the rest of the Filipino Community in Ireland in offering our prayers for Jastine and her family,” pahayag ni Cayetano.

Sinabi ni Cayetano, ang Philippine Embass­y sa London at ang Ho­norar­y Consulate sa Dub­lin ay masusing mino-monitor ang kaso ni Valdez simula nang malaman na nawawala ito nitong nakaraang Sabado (Mayo 19) ng gabi.

Ayon naman kay London Ambassador An­tonio Lagdameo, nakikipag-usap na aniya si Honorary Consul Mark Congdon sa pamilya ng biktima sa posibleng maitutulong ng kagawaran dito.