Una sa Balita

Pinay DH wagi sa kaso vs Saudi diplomat

0 24

Nagdesisyon ang Supreme Court ng United Kingdom na dinggin ang reklamong inihain ng isang Filipino domestic helper laban sa isang Saudi diplomat.

Sa inihaing reklamo ni Cherrylyn Reyes noong 2011, nakalasap umano siya ng racial abuse sa dating employer na si Jarallah Al-Malki at asawa nito, kinuha ang pasaporte at sinuwelduhan nang mababa sa minimum wage.

Tinanggihan muna ng tribunal at ng Court of Appeals na dinggin ang reklamo ng Pinay dahil ang kanyang employer ay may diplomatic immunity pa noon sa Britain.

Pero nitong Miyerkules, nagdesisyon ang Supreme Court na dinggin na ang reklamo ni Reyes dahil wala nang diplomatic immunity si Al-Malki nang makatapos sa tour of duty at umalis sa Britain noong 2014.

Umaasa naman si Reyes na dahil sa desisyon ng Supreme Court, maaari na ring dumulog ang iba pang Filipino at ireklamo ang kanilang employer sa pang-aabuso ng kanilang karapatan.

Tinatayang 17,000 domestic helper ang pumapasok sa Britain kada taon, kung saan marami sa kanila ang ikinukulong, binubugbog at inaabuso ng kanilang amo dahil mahihirapan silang tumakas bunsod ng ipinaiiral na visa rules ng Britain sapul noong 2012 kung saan nakatali ang visa sa kanilang employer.