Una sa Balita

Pinay DH ikinukulong ng amo

By
0 22

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang tanggapan ng Blas Ople Policy Center sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Oman sa Middle East upang ma-rescue ang isang overseas Filipino worker (OFW) para makauwi na sa Pilipinas dahil sa paulit-ulit na ikinukulong ng kanyang mga employer.

Nauna nang humingi ng tulong sa gobyerno ang pamilya at asawa ng domestic helper na nasa Oman sa Middle East na ma-rescue sana ito sa lalong madaling panahon hangga’t wala pang nangyayaring masama dito.

Nitong nakaraang ay humihingi ng tulong si Junix Talaugon , 25-an­yos, taga-Tumbangco, Davao City kay Susan Ople, chief ng Blas F. Ople Policy Center kaugnay sa nararanasan buhay ng kanyang asawa na si Laika, 22-anyos, domestic helper sa Oman.

Base sa pahayag ni Talaugon, nakakatanggap siya ng tawag mula sa kanyang asawang si Laika na humihingi ng tulong dahil sa makailang beses na itong ikinukulong ng kanyang employer.

Labis ang pag-aalala si Junix sa kalagayan at kaligtasan ng kanyang asawa kung sakali mang magkaroon ng insidente, tulad ng sunog, sa kanyang mga tinutuluyan habang siya ay nakakulong sa loob ng isang kuwarto.

Kasalukuyan umanong namamasukan ang kanyang asawa sa Moscat, Oman kung saan ang pangalan ng employer nito ay si El Farkh Halima.

Giit ni Junix na hindi nabibigyang-pansin ang kalagayan ng kanyang asawa kaya napilitan siyang humingi ng tulong sa gobyerno na matulungan siya at ang kanyang asawa na nasa ibang bansa.

Ayon pa kay Junix, sinubukan na nilang mu­ling kausapin ang Phil Q Manpower Services, ang agency na may hawak kay Laika ngunit tumanggi na itong magbigay ng tulong at sinabing bahala na ang Fundamental Rights Agency (FRA) dito.

Dagdag pa nito na apat na buwan pa lamang nagtratrabaho si Laika sa nasabing bansa at noon buwan ng Pebrero ito umalis ng Pilipinas.

“Labis po akong nag-alala sa asawa ko baka anu na po ang nangyayari sa kanyang doon, dahil hu­ling pag-uusap po namin sinabi niya na pinagseselosan na siya ng kanyang among babae .

Baka anu na po ang mangyaring masama sa kanya. Sana po matulungan ako ng gobyerno doon at mapauwi na ang asawa ko” pahayag pa ni Junix sa pamamagitan ng pagtawag sa cellphone.

Pahayag pa ni Laika na nakalimang employer na siya simula nang umalis at makapagtrabaho sa nasabing bansa dahil sa hindi maganda ang trato sa kanya ng kanyang mga naging amo.

Ayon naman kay Susan Ople, patuloy nilang kinukuha ang impormasyon tungkol sa kalagayan ni Laika at makikipag-ugnayan sila sa Oman Embassy at sa OWWA sa Middle East para matulungan ang nasabing ofw.

Sinabi pa ni Ople, na aalamin din nila kung anu ang puno’t dulo ng pagkakaproblema nito sa kanyang agency at gayun din sa kanyang mga na­ging employer.