Una sa Balita

Pinay bigating inhinyero sa NASA

0 574

MUNTIK nang sumuko sa kursong Electronics and Communications Engineering sa University of the Philippines si Josephine Santiago-Bond noong nag-aaral pa siya dito dahil hirap siya sa math.

Pero makalipas ang maraming taon, siya na ang pinuno ng Advanced Engineering Development Branch sa John F. Kennedy Space Center sa Florida.

Ang pinamumunuan departamento ni Santiago-Bond ay isa sa 10 site ng National Aeronautics and Space Administration (NASA).

Si Santiago-Bond ay ipinanganak sa Estados Unidos subalit noong dalawang buwan gulang pa lang ito, umuwi ng Pilipinas ang kanyang mga magulang.

Nag-aral siya sa Philippine Scienc­e High School at dahil sa pangungulit ng schoolmate ay napilitang mag-enroll ng enginee­ring sa UP.

Sa interview sa kanya ng Spot.ph, inamin ni Santiago-Bond na muntik na siyang sumuko sa kinuhang kurso dahil hirap siya sa math. Subalit dahil sa pagtitiyaga, nakatapos din siya ng pag-aaral sa kolehiyo.

Nagdesisyon siyang tumulak ng Estados Unidos at kumuha ng Master’s Degree in Electrical Engineering sa South Dakota State University.

Inalok siya ng kanyang adviser na sumabak sa summer job sa John F. Kennedy Space Center (KSC) at kinagat naman ito ni Josephine upang maiba naman sa buhay estudyante.

Nang makatapos siya ng Master Degree, nag-full time naman ito ng trabaho sa KSC at ngayon ay namumuno sa Advanced Engineering Development Branch.

Iniidolo ni Josephine si Dorothy Vaughan, ang African-American mathematician at human computer na nagtrabaho sa National Advisory Committee for Aeronautics, NASA at Langley Research Center sa Hampton, Virginia.