Una sa Balita

Pinatuyong endangered species nasamsam ng NBI

0 251

NAHAHARAP ngayon sa kasong paglabag sa Fisheries Code at Philippine Wildlife Act ang isang Chinese national matapos na makumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation–Environmental Crime Division at tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resour­ces (BFAR) ang daan-daang pinatuyong sea horse at bird’s nest sa isinagawang entrapment operation kamakalawa nang hapon sa Binondo, Maynila.

Kinilala ang may-ari ng drug store na si Ki Yung Wong na sinalakay ng mga ahente ng NBI at BFAR sa may Salazar St., Binondo.

Nasamsam ng NBI ang mga pinatu­yong seahorse na ibinebenta ng P60,000 kada kilo, habang ang mga dinurog na seahorse ay ini-export sa ibang bahagi ng Asia at pinaniniwalaang sex enhancer at nakakapagpabata para sa gumagamit nito nang regular.

Nalaman kay Ohjee Cabilogan, technical staff ng BFAR, paubos na umano ang populasyon ng mga seahorse at darating ang panahon ay mawawala na ang mga seahorse.

Ang seahorse ay ipinanggagamot umano sa asthma at ubo.

Habang ang bird’s nest na nakuha sa Chinese drug store ay ibinebenta ng P17,0000-P45,000 kada container kung saan ang mga ito ay ikinukunsi­derang ‘protected species’.

Ayon kay Dr. Steven Toleda ng DENR Biodiversity Management Bureau, ito umano ay inihahalo sa soup, at ang pagkuha nito ay kinakailangan na may permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Naaresto rin ng NBI ang negosyanteng si Elizabeth Rivera na may-ari ng fruit at plant stand sa Binondo dahil sa pagbebenta ng golden chicken fern na galing sa Cordillera Region.

Umpela naman si Atty. Eric Nuqui, chief ng NBI Environmental Crimes Division sa publiko na huwag tangkilikin ang mga endangered species.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy